NAGTALA ng magkakahiwalay na panalo sina Grandmaster Jayson Gonzales, First Lieutenant Irene Rivera, team captain Lieutenant colonel Perpetuo Tan Jr. at Private Kevin Arquero para ihatid ang Philippine Army sa makapagpigil-hiningang 6.5-5.5 panalo kontra sa defending champion Philippine Airforce para manatili sa ituktok ng liderato na may five match points sa patuloy na idinaraos na AFP-PNP-PCG Olympics 2018 Chess Team Championships sa PNP Sports Center sa Camp Crame, Quezon City.
Tangan ang puting piyesa, giniba ni Gonzales, may rango na sarhento, si International Master Barlo Nadera sa 39-move ng Double Fianchetto Opening sa top board habang si First Lieutenant Rivera ay ipinamalas ang kanyang husay at teknik sa endgame tungo sa marathon 77-move triumph kontra kay Captain Delfin Bolla.
Si Tan naman ay nagwagi kontra kay First Lieutenant Jess Pinalgan, nakaungos si Arquero kontra kay A2C Nigel Galan habang namayani naman si Lieutenant colonel Martin Famador via default kontra kay Colonel Aldrick dela Torre.
Ngunit, ang 40 anyos na First Lieutenant Rivera na miyembro ng Army rehabilitation unit sa Marawi na naka assign sa Army Signal Regiment ang nagbuwag ng tabla na laro (5.5 points all) dahil na din sa pagkakamali ni Captain Bolla kung saan ang huli ay nakipagpalitan ng kanyang active knight kontra sa black bishopsa kanilang knight and pawn versus bishop and pawn end game.
“Maybe Captain (Delfin) Bolla overlook the outside passed pawn of First Lieutenant (Irene) Rivera in the H-file square after he exchange his knight against the black bishop of First Lieutenant (Irene) Rivera.” sabi ni Army coach Corporal Ildefonso “Ponching” Datu na nasa kandili nina team Manager Brigadier General Rodel Mauro Alarcon at Special Service Center Director Lieutenant Colonel Raymond Lachica.