SA paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) nitong Oktubre 11-17, ramdam na sa buong mundo ang panahon ng halalan.
Opisyal na magsisimula pa lamang ang panahon ng kampanya sa Pedrero 12 para sa mga kandidato sa pagkasenador at party-list. Habang Marso 30 naman para sa mga tumatakbo sa Kongreso at lokal na posisyon sa pamahalaan. Ngunit sa kasalukuyang lagay ng halalan sa Pilipinas, tila walang sinumang kumakandidato ang makapagsasabing mauupo lamang ito at maghihintay hanggang sa dumating ang opisyal na araw ng kampanya na itinakda ng Commission on Elections (Comelec). Bawat pagkakataon ay gagamitin ngayon sa pagsusulong ng kani-kanilang kandidato nang hindi lantaran, upang hindi maakusahan ng maagang pangangampanya.
Dahil dito, asahan na nating makita ang mas maraming personalidad na nagtatalumpati sa mga pagtitipon, gumugupit ng mga ribbon, bumabati sa mga bagong kasal, nagbubukas ng bagong mga basketball court, at bumibisita sa mga proyektong pangkomunidad. Ang mga motorcades, tarpaulin sa mga lansangan, patalastas sa mga radyo at telebisyon ay lilitaw pagpatak ng opisyal na panahon ng kampanya—89 na araw para sa mga kumakandidato sa pambansang posisyon at 43 araw para sa mga kumakandidato sa distrito, probinsiya, at bayan.
Ito ang halalang nais kanselahin ng ilang opisyal sa Kamara de Representantes—para umano mapagtuunan ang pagbuo ng bagong Konstitusyon sa Constituent Assembly. Sa kabutihang-palad nangibabaw ang rason at ngayon nga ay idaraos ang ating midterm election sa Mayo 12, 2019.
Dahil karamihan sa pinag-aagawang posisyon ay nasa lokal—mga gobernador at iba pang opisyal ng probinsiya, mga mayor at iba pang opisyal ng bayan—mga lokal na isyu, lokal na problema, at lokal na pangangailangan ang magdodomina sa darating na kampanya. Ngunit para sa pagkasenador at sa ilang salik, sa labanan sa Kongreso, ang mga pambansang isyu at ang naging aksiyon ng pamahalaan ang magiging sentro ng kampanya.
Nasa gitna tayo ngayon ng problema sa inflation—pagtaas ng presyo. Patuloy itong tumataas simula noong Enero, ang resulta ng ilang pandaigdigang salik, lalo na ang pagtaas ng presyo ng langis, kasama ng mga lokal na isyu, ang pagpapatupad ng bagong buwis na nagsimula nitong Enero. Siguradong maaapektuhan ng naging aksiyon ng pamahalaan sa mga problemang ito, ang resulta ng halalan sa pagkasenador, kung saan maraming kilalang tao ang ngayon ay tumatakbo.
Lahat ng mangyayari sa ating bansa sa mga susunod na buwan ay makaaapekto sa halalan sa Mayo, 2019. At ang resulta ng eleksiyong ito ay makaaapekto sa ating pamumuhay bilang indibiduwal na mamamayan at sa ating bansa bilang kabuuan. Kaya naman inaabangan natin ang darating na halalan na nasa puso ng ating pulitikal na sistema at ng ating demokrasya.