KASADO na ang pagbabalik-aksyon ni boxing Senator Manny Pacquiao.

PACQUIAO: Kumpirmado ang laban kay Broner.

PACQUIAO: Kumpirmado ang laban kay Broner.

Kinumpirma ng eight-division world champion na ipagtatanggol niya ang WBA welterweight title laban sa dating kampeon na si Adrien Broner ng United States sa Enero 12 o Enero 19 sa Las Vegas Nevada.

Inihayag ng 39-anyos na pambato ng General Santos City ang pagsabak kay Broner sa pagdiriwang ng International Sports Promotion Society (ISPS) kung saan itinalaga siyang embahador nitong Miyerkules sa Makati Shangrila Hotel.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Broner, Adrien Broner,” pahayag ni Pacquiao nang tanungin sa kanyang susunod na makakalaban bago ang rematch kay dating pound-for-pound king Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo.

“I think either January 12 or 19,” aniya.

Unang inihayag ng BoxingScene.com na lumagda si Pacquiao ng kontrata sa dating tagapayo ni Mayweather na si Al Haymon para sa rematch ng dalawang boksingero.

Bukod kay Mayweather, hawak din ni Haymon ang pangangasiwa sa karera nina Broner, WBC welterweight champion Shawn Porter, WBA Super welterweight titlist Keith Thurman at IBF 147 pounds beltholder Errol Spence, Jr.

Huling lumaban si Pacquiao nitong Hulyo 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia kung saan naitala niya ang unang TKO sa career sa mahigit siyam na taon matapos pabagsakin sa 7th round si WBA regular welterweight titlist Lucas Matthysse ng Argentina.

Huling lumaban si Broner nang tumabla kay dating WBO welterweight champion Jessie Vargas ng US, inagawan ni Pacquiao ng titulo noong 2016.

May rekord si Pacquiao na 60-7-2 na may 39 panalo sa knockouts, samantalang may kartada si Broner na 33-3-1 na may 24 pagwawagi sa knockouts.

Ang Pacquiao-Broner title tiff na ilalarga sa Las Vegas, Nevada ay co-promoted ng MP Promotions at Floyd Mayweather Promotions.

Naipahayag ni Pacquiao na handa na siyang magretiro matapos ang dalawang laban kabilang ang posibilidad na rematch kay Mayweather.

-Gilbert Espena