PAGKARAAN ng anim na buwang pagsasara ng Boracay upang bigyang daan ang rehabilitasyon nito, nanumbalik ang dating kagandahan at kaakit-akit na alindog ng isla na kilalang “Island Paradise in the Pacific” sa buong mundo.
Bahagi ng nanumbalik na alindog ng Boracay ang malinaw at bughaw na tubig dagat, ang malinis at malapulbos na buhangin na nananatiling malamig sa paa kahit katanghalian sa tag-init, at ang napakaganda nitong tanawin. Nakalulungkot nga lang na sa unang araw ng pansamantalang pagbubukas ng isla, ay may kung sinong nagtapon ng basura sa dalampasigan, at ilang tao na nag-iwan ng plastic na mga basura nila sa baybayin nito.
Ang hindi kanais-nais na kaugaliang ito ay sumasalamin lamang sa ating kakapusan ng disiplina na waring nakahabi na sa nakurap nating kultura at sistema ng pagpapahalaga. Talamak din ang problemang ito sa bulok na kultura ng ating pulitika.
Sa nakaraan, paulit-ulit nating inihahalal sa gobyerno ang maraming pulitikong tiwali, hindi matapat, at walang alam. Nangyayari ito dahil marami ring mga botante ang tiwali at ibinebenta ang kanilang boto sa mga kandidato.
Ayon sa usap-usapan, umaabot na hanggang P5,000 ang bentahan ng bawat boto o higit pa. Dahil din dito kung kaya dumarami ang mga “political dynasty” sa lokal at pambansang antas. Kahit ang ating “party-list system” na binalangkas upang matiyak na may kakatawan sa mga maralitang sektor sa lehislatura, ay nalukob na ngayon ng mga pulitikong tradisyunal.
Noon, isang mayamang party-list na kongresista ang kumatawan sa mga sekyu o guwardiya sa Kongreso. Hindi sekyu ang naturang mambabatas pero mayroon nga siyang hukbo ng mga ‘security guard’ dahil nabibilang siya sa isang mayaman at makapangyarihang pamilya.
Kailan lamang, naganap ang isang eskandalo sa Manila International Airport kung saan isang kongresistang party-list na kumakatawan diumano sa mga ‘overseas Filipino workers’ (OFW) ang buong yabang na hiniya ang isang karaniwang sekyu at ipagduldulan sa mukha nito ang kanyang NAIA security pass, nang hilingin ng sekyu na tanggalin ng mambabatas ang sapatos nito alinsunod sa patakarang pangkaligtasan ng paliparan. Napag-alaman na ang mambabatas ay hindi isang OFW kundi isang negosyante na pinagkakakitaan ang mga OFW sapagkat mayroon siyang ‘recruitment agency.’
Sa talaan ng Comelec, mahigit 100 party-list ang naghain ng CONA at COC ng kani-kanilang mga kandidato para sa halalan sa 2019. Panahon na upang repasuhin at baguhin ng ating mga responsableng mambabatas ang ating party-list law upang matugunan nito ang tunay na layunin ng probisyong party-list sa ating Saligang Batas.
-Johnny Dayang