SA pagtatapos ngayon ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga kakandidato sa 2019 mid-term polls, minsan pang nalantad ang katotohanan na talagang hindi mamamatay ang political dynasty. Patunay lamang ito ng pag-iral ng walang kamatayang kulturang pampulitika na pinaghaharian ng pamilya ng mga pulitiko – mag-asawa, magkakapatid at malapit na magkakamag-anak.
Sa madulang mga eksena sa Commission on Elections (Comelec), halimbawa, nasaksihan natin ang anino ng political dynasty na kinabibilangan ng mga pamilyang lalahok sa nalalapit na halalan. Wala akong tutukuying mga pangalan, subalit ang mga kandidatong magkakamag-anak ay natitiyak kong hindi lamang sa Comelec office sa Intramuros dumagsa, kundi maging sa iba pang mga tanggapan sa buong kapuluan.
Ang gayong situwasyong pampulitika ay palasak hindi lamang sa Kongreso (Senado at Kamara) kundi maging sa local government units (LGUs) – gobernador, alkalde at iba pang opisyal na kinabibilangan din ng mga kandidato sa barangay. Naniniwala ako na silang lahat, bagamat ang karamihan ay hindi kabilang sa political dynasty, ay naghahangad na maluklok sa kapangyarihan upang maging bahagi ng mga pagbabagong malaon nang inaadhika ng sambayanan.
Nakalulungkot nga lamang at sa gayong pag-iral ng political dynasty – at dahil sa kanilang matapat marahil na pakay na maglingkod sa bayan, halos mawasak ang pamilya ng mga kandidato. Dahil sa pagtutunggali ng mag-aama at mag-iina, magkakapatid at magkakamag-anak, hindi maiaalis ang mga haka-haka na hindi paglilingkod sa bayan ang kanilang hangarin kundi mag-angkin ng kapangyarihan para sa kanilang sariling kapakanan.
Dahil dito, talagang mahirap buwagin ang political dynasty sa kabila ng pagsusulong ng mga panukalang-batas laban sa naturang sistemang pampulitika. Totoo na itinatadhana ng ating Konstitusyon ang pagbabawal sa naturang patakaran. Dangan nga lamang at kailangan pa ang tinatawag na enabling law upang maipatupad ang nasabing probisyon ng batas. Sino namang mambabatas – Senador at Kongresista – ang maghahangad na lipulin ang isang oportunidad na sinasabing pinagbubukalan ng salapi at kapangyarihan?
Sa paglutang ng gayong makasariling mga adhikain, halos imposibleng malansag ang political dynasty. Asahan na lamang natin na ang walang kamatayang pag-iral ng nasabing sistema ay mangahulugan ng wala ring kamatayang matapat na paglilingkod ng mga pulitiko – paglilingkod na walang kaakibat na pagkagahaman sa kapangyarihan at hindi nakalugmok sa katiwalian.
-Celo Lagmay