Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre, San Juan)
2:00 n.h. -- LPU vs SBU (jrs)
4:00 n.h. -- LPU vs SBU (srs)
Standings W L
*SBU 15 1
*LPU 15 2
*CSJL 13 4
*UPHSD 11 6
CSB 9 8
MU 6 12
AU 5 12
SSC-R 5 12
EAC 4 14
JRU 3 15
*semifinalists
HINDI pa kampeonato, ngunit asahan ang mainit at dikdikang aksyon sa muling pagtututos ng defending champion San Beda at Lyceum of the Philippines sa penultimate day ng NCAA Season 94 men’s basketball double-round elimination ngayon sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Magkasunod sa kasalukuyan sa ibabaw ng team standings ang Red Lions at ang Pirates hawak ang markang 15-1 at 15-2, puntirya ng magkaribal na makopo ang pangunguna, sa kabila ng kasiguraduhan para sa twice-to-beat sa Final Four series.
Tatangkain ng Red Lions na makabawi sa natamong 66-73 na kabiguan sa kamay ng Pirates noong nakaraang Agosto 21 upang makatiyak ng pananatili nila sa liderato papasok ng Final Four round.
Ang muling pagkabigo ay mangangahulugan ng pagbaba nila sa ikalawang puwesto kahit pa ipanalo nila ang huling laro kontra University of Perpetual Help sa Martes at makatabla sa Pirates sa 16-2 marka.
Magkaiba ang kapalaran ng dalawang koponan sa nakaraan nilang laban na inaasahang mas magpapainit pang lalo sa kanilang salpukan.
Bukod sa gigil ng makabawi ang San Beda sa Lyceum na ipinakita nila sa pamamagitan ng pagdurog sa Arellano sa nakaraan nilang laro, pagbawi din ang hangad ng Pirates mula sa kontrobersiyal na 79-80 kabiguang nalasap sa kamay ng Letran.
Naniniwala si LPU coach Topex Robinson na lalo pang payayabungin at patatatagin ng nasabing kabiguan ang pagkakabuklod ng kanyang mga players.
“At the end of the day, there’s so much basketball to be played and we’re excited for the opportunity because this kind of experience just keeps on binding us together as a team. This experience is something that’s gonna make us sharper as a team. They know that what doesn’t kill them makes them stronger. Whether they like it or not, we’re gonna be in the Final Four and we’re so grateful for that. We’re excited for whoever it is we’re gonna play,” pahayag ni Robinson.
At ganito rin ang pamantayan ng Pirates.
“Marami na kaming lessons na nakuha sa dalawang talo namin. Mas magpupursigi pa kami para maipanalo yung dalawang games. Hindi naman nawala yung samahan namin. Together pa rin talaga kami ,” pahayag ni Jaycee Marcelino.
Sa kabilang dako, bukod sa matinding kagustuhang makabawi, gagamitin din ng Red Lions ang natitirang dalawang laro bilang paghahanda sa pagsabak nila sa semifinals.
“We will consider our remaining games as playoff games,” pahayag ni Red Lions coach Boyet Fernandez.
Mauuna rito, magtutuos ang juniors squad ng dalawang koponan para sa pambungad na laro ng nakatakdang dalawang laban.
-Marivic Awitan