BAGO pa pinaghatian ng dalawang nuknukan ng suwerte ang P1.1-bilyon jackpot sa Ultra Lotto 6/58 nitong Linggo ng gabi, pupusta akong marami sa bansa ang biglaang nahumaling sa lotto.
At mayroong isang bilyong dahilan upang makitaya na rin sa Ultra Lotto 6/58 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Umabot sa P1,180,622,508 ang jackpot na pinaghatian ng dalawang mananaya nitong Linggo ng gabi. Ito ang dahilan kaya naman inabot na ng kilo-kilometro ang pila sa lahat ng lotto outlets. Lahat ay gustong makatsamba sa pambihirang suwerteng ito.
Iba-iba ang naghangad ng tsamba sa nasabing jackpot—may mayaman, mahirap, makapangyarihan, kapus-palad, at mayroon ding mga matagal nang tumataya, at ngayon lang nasubukang tumaya. Pero bakit nga ba tumataya ang mga tao sa laro na kakapiranggot lang ang tsansang mapanalunan?
Ayon sa mga statistician, ang tsansang matsambahan ang six-digit combination hanggang 58 ay isa sa 40.4 milyon. Maikukumpara ito sa suntok sa buwan, gaya ng may isa sa tatlong milyon ang may tsansang matamaan ng kidlat, at isa sa 11.5 milyon sa tsansang atakehin ng pating.
Sasabihin ng maraming kritiko na walang mapapala sa pagtaya sa lotto dahil sa napakaliit na tsansang matumbok ang jackpot. O maaari ring sabihin na nakisakay na lang ang marami sa dagsang tumataya sa lotto. Pero iba ang palagay ko. Para sa akin, ang pagtaya sa lotto ay senyales ng pag-asa.
Partikular na senyales ito na hindi nawawalan ng pag-asa ang taumbayan na giginhawa pa ang kanilang mga buhay. Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay—halimbawa’y nawalan ng trabaho, o simula’t sapul ay naghihikahos ang pamilya, o hindi na masaya sa pinapasukang trabaho, o simpleng naghahangad lang talaga ng kumportableng buhay para sa pamilya—ang pagtaya sa lotto ay nagpapamalas ng hindi nagmamaliw na fighting spirit ng mga Pilipino. Hindi ako mawawalan ng pag-asa. Hindi ako patatalo. Kakayanin ko ang anumang problema.
Inihayag ng mga opisyal ng PCSO na karamihan sa mga dating nanalo, ang mga tinaguriang Lotto Millionaires Club, ay mahihirap at iniahon ng lotto sa paghihikahos. Kani-kanyang bersiyon ng kuwentong rags-to-riches. Ayon sa datos ng PCSO, mayroong 40 milyonaryo sa lotto simula Enero hanggang Agosto ng taong ito. Panibagong argumento ito—“totoong may isa sa 40 milyong tsansa na manalo sa lotto, pero may nananalo pa rin!”
Sa isang banda, ang kasikatan ng lotto ay naglantad din sa mga paghihirap na hinaharap ng bansa laban sa pagiging maralita. Sa kabila ng umaalagwang ekonomiya sa ilalim ng administrasyong Duterte, marami pa ring pamilyang Pilipino ang nananatiling naghihikahos. Para sa marami, ang lotto ang mismong ticket nila para sa mas maginhawang buhay.
Dito na papasok ang huli at pinakamahalagang punto ko. May masama bang mangarap na maging instant milyonaryo? Hindi ba ang sabi nga nila, libre naman mangarap? Isang pangarap na P20 lang ang puhunan.
Subalit mahalagang maintindihan natin na ang malaking bahagi ng mga kuwentong “rags-to-riches” ay hindi binuo ng biglaang pagyaman kundi ng pagsisikap at pagtitiyaga. Sipag at tiyaga pa rin ang pinakagarantisadong kumbinasyon para sa maginhawang buhay. Masasabi kong mas malaki ang tsansang maging matagumpay ang nagsisikap sa buhay kaysa makipagsapalaran sa tsambang isa sa 40 milyon.
Sigurado akong marami sa mga tumataya sa lotto ang nagsisipag at nagtitiyaga sa araw-araw. Sila iyong mga ginagawa ang lahat upang maibigay sa kanilang mga anak ang pinakamagandang edukasyon, kumakayod nang buong lakas upang may maihain sa mesa at matiyak na may bahay na masisilungan ang kanilang pamilya. Ang mga taong ito ang karapat-dapat na maka-jackpot upang mapaginhawa ang kanilang mga mahal sa buhay.
So, ngayong may nanalo na, tuloy lang ang buhay. Ang pagsisikap natin laban sa kahirapan ay nagpapatuloy sa araw-araw hanggang sa ang lahat ng mamamayan sa ating bansa ay mayroon nang disente at kumportableng buhay na dapat lang na tamasahin nila.
-Manny Villar