SINIMULAN ng National University ang kampanya sa ‘five-peat’ ng girls’ division sa pamamagitan ng 22-25, 25-23, 25-15, 25-22 paggapi sa De La Salle-Zobel nitong Linggo sa UAAP Season 81 High School Volleyball sa Blue Eagle Gym.

Nagawang punan ni Camille Lamina ang puwang na naiwan ng dating setter na si Joyme Cagande, sa impresibong 20 excellent sets bukod pa sa dalawang service aces.

Namuno sa panalo ng NU sina reigning MVP Mhicaela Belen at Erin Pangilinan matapos magtala ng tig-13 puntos, kasunod si skipper Faith Nisperos na may 10 puntos.

Nagawa namang maka-split ng boys’ title-holder University of Santo Tomas sa kanilang unang dalawang laro.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Makaraang yumukod sa last season’s runner-up NU, 21-25, 20-25, 25-23, 37-39 nitong Sabado, bumawi ang UST sa pamamagitan ng 25-14, 25-20, 25-22 panalo kontra De La Salle-Zobel.

Pinangunahan ni Rey Miguel de Vega ang panalo ng Tiger Cubs’ kontra Junior Green Spikers sa ipinoste niyang 16 puntos, pitong digs at pitong receptions, kasunod si Jhun Lorenz Senoron na nagdagdag ng 13 puntos.

Inangkin naman ng Adamson University ang maagang liderato sa girls division matapos walisin ang unang dalawa nilang laro.

Nasa ilalim ngayon ng paggabay ni dating assistant coach Onyok Getigan, inumpisahan ng Baby Falcons ang season sa pamamagitan ng 25-16, 23-25, 22-25, 25-19, 15-9 panalo kontra Far Eastern University-Diliman na sinundan ng 25-22, 25-17, 25-13 pananaig nila sa University of the East.

Sa iba pang mga laro, nagwagi ang UST Junior Tigresses, 25-18, 25-14, 25-16 laban sa UP Integrated School.

Nagsalo naman sa pangingibabaw ang NU at FEU-Diliman sa boys division taglay ang identical 2-0 marka.

Kasunod ng opener win kontra Tiger Cubs, sunod na tinalo ng Bullpups ang Adamson University, 25-14, 25-20, 25-22.

Pinataob naman ng Baby Tamaraws ang UE, 23-25, 25-21, 25-19, 22-25, 15-5 bago isinunod ang Ateneo, 25-13, 25-12, 25-18, para sa weekend sweep.

-Marivic Awitan