INAMIN ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na walang kontrol ang gobyerno sa patuloy na pagtaas ng fuel o produktong petrolyo sa world market. Dahil dito, walang magagawa ang Duterte administration sa patuloy ring pagsikad ng presyo ng mga bilihin na inirereklamo ngayon ng mamamayan. Sa banner story ng isang English broadsheet, ganito ang nakasulat:“Nothing gov’t can do vs soaring prices.”
Sa kabila ng ganitong sitwasyon, siniguro ni PRRD sa mga Pilipino na kumikilos at gumagawa ng mga hakbang ang kanyang administrasyon upang malunasan ang mataas na halaga ng mga bilihin, lalo na ang problema sa bigas.
Gayunman, tahimik siya at ayaw magsalita tungkol sa mga panawagan ng iba’t ibang sektor na suspendihin muna at itigil ang pagpapataw ng buwis sa produktong petrolyo o fuel excise tax, na nagsimula sa mga unang buwan ng 2018 sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sinabi naman nitong Linggo ni SAP Bong Go na handa ang gobyerno na suspendihin ang susunod na pataas sa fuel excise tax sa susunod na taon.
Naniniwala ang mga Pinoy na isa sa dahilan ng pagsikad ng inflation (6.7% ngayong Setyembre) at pagsirit ng presyo ng mga bilihin, bigas, karne, gulay, asukal, at iba pa, ay kagagawan ng TRAIN Law na inimbento ng kanyang economic managers. Malaki nga raw ang exemption sa personal income tax ng mga mamamayan at lumaki ang kanilang take-home pay, pero nababalewala naman ito ng mataas na presyo ng bilihin.
oOo
Alam ba ninyong pormal nang tinanggap ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio noong Biyernes ang nominasyon sa pagka-Chief Justice kasunod ng pagreretiro ni Teresita Leonardo de Castro? Marahil ay naisip niyang may tsansa na siyang maupo bilang Punong Mahistrado matapos ihayag ni PDu30 na seniority ang pinagbabatayan nito sa pagpili o paghirang sa mga pinuno.
Kamakailan, itinanggi ng Pangulo na ang paghirang niya kay ex-Chief Justice De Castro ay “gantimpala” sa pamumuno nito na mapatalsik si ex-CJ Ma. Lourdes Sereno. Iginiit niya na seniority ang tangi niyang batayan. Si De Castro ang pinaka-senior noon makaraang tumanggi si Carpio sa nominasyon.
Bukod kay Carpio, dalawa pang SC Associate Justices ang tumatarget sa trono ng Korte Suprema. Sila ay sina Diosdado Peralta at Lucas Bersamin. Dalawang beses nang na-bypass si Carpio sa puwesto, noong 2010 at 2012.
Sabi nga ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko at pilosopo, marahil daw ay nais subukan ni Justice Carpio kung tunay ang pahayag ni PRRD na ang hihirangin nito sa puwesto ay ang “most senior.”
Si Carpio ngayon ang lumalabas na “most senior.” Kung ganoon, abangan natin ang desisyon ng ating Pangulo.
-Bert de Guzman