PALIBHASA’Y malimit kapitan ng iba’t ibang karamdaman, ginulantang ako ng pahiwatig ng isang opisyal ng Philippine Medical Association: May mga doktor na planong magtaas ng professional at consultation fee. Ibig sabihin, madadagdagan ang bigat na pinapasan ng mga pasyente, lalo na ang nagtataglay ng mabibigat na karamdaman na obligadong magpasuri sa mga manggagamot.
Ang nabanggit na plano – na sana ay pinag-ukulan ng makataong pagsasaalang-alang – ay lalong nagpasigid sa nararamdaman kong mga sakit. Isipin na lamang na labing-isang doktor ang kailangan kong sangguniin sa isang ospital sa Quezon City; apat sa mga ito ang konsultasyon na may kaakibat na laboratory at iba pang medical test upang matiyak kung humubuti o lumalala ang taglay kong mga sakit. Ang pagtataas ng singil ng mga doktor ay hindi kaya lalong magpaikli ng buhay ng mga pasyente? Lalo na nga kung tataas din ang mga gamot at iba pang pangangailangan ng mga may sakit.
Sa kabila ng hindi kanais-nais na epekto ng naturang plano sa sambayanan, lalo na nga sa mga masasakitin, naniniwala ako na may lohika naman ang binabalak na pagtataas ng singil ng mga doktor. Pinapasan din nila ang bigat ng tinatawag na ‘domino effect’ kaugnay ng walang patumanggang pagtaas ng halos lahat ng bilihin, serbisyo at iba pang pangunahin nating pangangailangan araw-araw.
Bukod sa limpak-limpak na ginugol sa pag-aaral ng mga doktor, nakalulula rin ang salaping iniukol nila sa pagbili ng makabagong medical equipment sa nagpakadalubhasa pa sa iba’t ibang larangan ng medisina – cardiology, oncology, opthalmology at iba pa – upang lalong maging maingat ang pagsusuri sa mga pasyente.
Isa pa, apektado rin ang mga doktor sa walang habas na pagtaas ng inflation rate ng ating ekonomiya, kabilang na ang walang humpay na price hike ng mga produkto ng petrolyo. Bunsod ito ng excise tax na ipinataw sa nabanggit na mga produkto kaakibat ng implementasyon ng TRAIN (Tax Reformand Inclusion Law).
Ang epekto ng naturang batas at ang plano ng mga doktor ay marapat pagaanin ng mga kinauukulan upang hindi naman lalong sumigid ang hapdi ng nararamdaman naming mga sakit.
-Celo Lagmay