BILANG isang masugid na tagapagtaguyod ng kalayaan sa pamamahayag o press freedom, ikinatuwa ko ang pagbuhay sa mistulang pinatay na Office of the Press Secretary (OPS). Ito ay isang ahensiya ng gobyerno na maituturing na sagisag ng kalayaan sa pamamahayag; mistulang kakambal ng Tanggapan ng Pangulo sa pagpapalaganap ng makabuluhang mga patakaran, programa at iba pang impormasyon na dapat malaman ng mga mamamayan.
Nakakintal pa sa aking utak na simula pa lamang ng pag-iral ng tunay na demokrasya sa bansa -- noong panahon ni Pangulong Manuel Quezon, halimbawa -- ang OPS ay gumanap na ng makahulugang tungkulin sa pagpapahalaga ng kalayaan sa peryodismo. Dangan nga lamang at nang nakalipas na ilang administrasyon -- hanggang sa kasalukuyan -- ang nasabing tanggapan ay mistulang pinaglaruan at hinubaran ng mahahalagang gawain at isinalin sa ilang ahensiya na halos may gayon ding misyon.
Mabuti na lamang at sa pamamagitan ng mungkahi ni Senate President Vicente Sotto III na kagyat namang kinatigan ng Malacañang, ‘tila wala nang balakid upang ibalik ang OPS bilang kapalit ng kasaluluyang Presidential Communications Operation Office (PCOO). Ang nasabing ahensiya na binubuo ng pinagbiyak-biyak na tanggapan, kabilang na ang Office of the Presidential Spokesman, ay ipaiilalim na sa bubuhaying OPS.
Naniniwala ako na ang naturang plano ay hindi isang pagmaliit sa pamunuan ng PCOO na pinangununahan ni Secretary Martin Andanar. Sa kabila ng nakapanggagalaiting mga patutsada sa operasyon ng nasabing tanggapan, ginampanan ni Andanar ang puspusang rehabilitasyon ng PCOO. Ang iba’t ibang attached agency ay mistulang binihisan ng makabagong mga kagamitan upang lalong maging epektibo ang mga ito sa paghahatid ng kailangang serbisyo tulad ng pagpapalaganap ng mga impormasyon.
Ang modernong mga pasilidad ng PTV4, Philippine News Agency (PNA), Philippine Broadcasting System, Philippine Information Agency (PIA) ay maituturing na legacy o pamana ni Andanar sa kanyang tanggapan. Kung ito man ay iiwanan niya, wala akong ideya kung sino ang kanyang makakapalit.
Ang mahalaga ngayon ay panatilihin ang dating misyon ng OPS bilang epektibong tagapag-ugnay ng makatuturang relasyon ng Pangulo at ng miyembro ng tinatawag na Fourth Estate. Kaakibat ito ng walang kinikilingang pagpapahalaga sa tunay na diwa ng kalayaan sa pamamahayag.
-Celo Lagmay