BUWAN ng Rosaryo o Rosary Month ang Oktubre. At sa mga Kristiyanong Katoliko, ang Oktubre ay nakalaan para sa pagdarasal ng Rosaryo. Hindi ito nalilimutan gawin, lalo na ng mga may panata at debosyon sa Mahal na Birhen ng Santo Rosario. Bahagi na ng buhay ng mga Kristiyanong Katoliko ang pagdarasal ng Rosaryo. Ginagawa ang pagdarasal ng Rosaryo tuwing dumadalaw sa Blessed Sacrament. May nagdarasal naman ng Rosaryo tuwing naglalakbay sakay sa eroplano o bus. At sa ibang Kristiyanong Katoliko na may debosyon sa Mahal na Birhen, ang pagdarasal ng Rosaryo ay ginagawa tuwing gabi bago matulog.
Kapag sumapit naman ang ika-7 ng Oktubre, sa liturgical calendar ng Simbahan, ay ipinagdiriwang ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario. Maraming bayan at lungsod din sa iniibig natin Pilipinas na ipinagdiriwang din ang kapistahan sapagkat ang Mahal na Birhen ng Santo Rosario ang kanilang patroness. Mababanggit ang Rosario, La Union, Rosario, Cavite at Rosario, Pasig City at marami pang iba.
Sa Rizal, mababanggit na halimbawa ang bayan ng Cardona. Bukod sa Mahal na Birhen ng Santo Rosario ang kanilang patroness, patron saint din ng Cardona si Saint Francis na ipinagdiriwang ang kapistahan tuwing ika-4 ng Oktubre. Sa pagdiriwang ng kapisatahan ni Saint Francis at ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario, sa Cardona ay tampok ang dalawang tradisyon. Ang una ay ang PAGODA o fluvial procession sa Laguna de Bay sa bahaging sakop ng Cardona. Ang ikalawa ay ang masaya at makulay na SAPAO-AN o street dancing.
Ang Pagoda ay ginaganap tuwing ika-4 ng Oktubre matapos ang concelebrated mass sa kapilya ni Saint Francis. Ang pinaka-Pagoda, kung saan isinasakay ang replica ng imahen ni Saint Francis, ay petuya o malaking bangka kasama ang mga deboto ni Saint Francis. Nagsisimula sa pritil o daungan sa Barangy Looc. Sa Pagoda ay sumusunod ang mga deboto ni Saint Francis na sakay naman sa malalaking bangkang de-motor. Matapos ang Pagoda ay susundan ng parada paahon sa bayan at natatapos sa harap ng simbahan at munisipyo ng Cardona.
Ang makulay at masayang SAPAO-AN ay ginaganap tuwing ika-6 ng Oktubre, na bisperas ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario. Kalahok sa Sapao-an ang iba’t ibang samahan sa Cardona, mga kabataan at mag-aaral at mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Cardona. Nagsisimula sa Barangay Looc sa tapat ng isang ospital sa nasabing barangay. Natatapos ang Sapao-an sa harap ng simbahan at munsipyo ng Cardona. Magkatapat ang munisipyo at simbahan ng Cardona.
Ang Sapao-an ay hango sa salitang SAPAO na may kaugnayan sa pagkahinog ng mga palay na itinanim sa bukid ng mga magsasaka. May nagsasabi naman na nagmula ito sa salitang isinisigaw noon ng mga magsasaka sa Cardona na “SAPAW NA!” kapag nakitang sumasapaw o hinog na ang itinanim na mga palay sa bukid. Dahil dito, nagdaraos na sila ng pagdiriwang matapos gapasin o anihin ang kanilang sumapaw na palay.
Ang Sapao-an na bukod sa natatanging sabay na pagdiriwang ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario at ng Cardona ay matapat na pasasalamat sa Poong Maykapal sa mga biyayang natanggap ng mga taga-Cardona sa patnubay ng kanilang patroness –ang Mahal na Birhen ng Santo Rosario.
Ang Cardona, ayon sa kasaysayan, ay itinatag noong 1855. Ang lugar na ito ay nakilala sa tawag na VISITA DE SAPAO. Ang nagtatag ay ang mga misyonerong paring Franciscano. Ang ginawang patroness ay ang Mahal na Birhewn ng Santo Rosario.
May paniniwala naman na ang CARDONA ay mula sa salitang CALDO na ang kahulugan ay SABAW (broth) at sa pangalan CARDO na isang mayamang may-ari ng mga lupa sa VISITA DE SAPAO. May paniwala naman na ang CARDONA ay ang ipinalit na pangalan ng mga Kastila, na pangalan ng isang bayan sa Espanya at apelyido ng mga tao sa nasabing bansa.
-Clemen Bautista