HINDI na kailangan pa ng isang genius para maunawaan kung bakit partikular na nakatuon ang publiko sa mga usaping may kinalaman sa ekonomiya, lalo na ngayong malapit na naman ang eleksiyon. Ang ekonomiya, at kung paano nito naaapektuhan ang pang-araw-araw na buhay ng mga tao, ay isang usaping direkta sa sikmura—isang malaking bagay para sa mga botante dahil nararamdaman at naiintindihan nila ang aktuwal na epekto nito sa kanila.
Muling nakumpirma sa huling survey ng Pulse Asia ang katotohanang ito. Sa September 2018 Nationwide Survey nito, apat sa limang “most urgent national concerns” ay mga usaping may kinalaman sa ekonomiya: inflation, dagdag-sahod, kahirapan, at trabaho
Nasa 63% ng mga Pilipino ang naniniwala na ang pagkontrol sa lumolobong inflation ang pangunahing dapat na resolbahin sa ngayon. Limampung porsiyento naman ang nagsabing ang pagkakaloob ng umento sa mga manggagawa ang marapat na aksiyunan. Nasa sangkatlong bahagi naman (32%) ang naniniwalang “reducing the poverty of many Filipinos” ang mahalagang tutukan ng pamahalaan, habang 30% ang nagsabing importanteng usapin ang pangangailangang makalikha ng mas maraming trabaho.
Ang pagbibigay-tuldok sa katiwalian at kurapsiyon (26%) ang panglima sa listahan, habang ang pagsugpo sa kriminalidad (23%), pagtiyak sa kapayapaan sa bansa (14%), at pagbibigay-proteksiyon sa kalikasan (13%) ay hindi prioridad ng mamamayan sa ngayon. Kapansin-pansin ding nangulelat ang charter change na nakakuha lang ng tatlong porsiyento.
May ilang puntos na mahalagang linawin dito. Una, kailangan nating ituon ang ating atensiyon sa pinakamahahalagang usaping pang-ekonomiya na dapat na unahing resolbahin, at huwag magpaapekto sa away-pulitika, na namamayagpag bagamat wala namang positibong pakinabang para sa mga karaniwang mamamayan. Nakakaaliw subaybayan ang batuhan ng batikos ng mga pulitiko, dahil para ka lang nanonood ng telenovela, subalit ang pamamahala sa bansa ay tungkol sa pagtugon sa kadalasan ay “unsexy” subalit napakahahalagang usaping pang-ekonomiya.
Pangalawa, kailangan nating matamang pakinggan kung ano ang ninanais ng ating mamamayan. Noong nasa pulitika pa ako, lalo na noong kumandidato ako taong 2010, ginawa kong prioridad ang sugpuin ang kahirapan sa buong panahon na ako ay lingkod-bayan. Sa aking paglilibot-libot sa iba’t ibang panig ng bansa at habang nakikilala ko ang iba’t ibang tao, personal kong naunawaan na ang mga usaping tinatalakay sa antas ng pamahalaan ay kadalasang hindi importante para sa mahihirap.
Hindi ko sinasabing hindi importante ang mga usaping pambansa, subalit mas nanaisin ng mamamayan ang solusyunan ang mga problemang hinaharap nila sa araw-araw. Isa sa mga dahilan kung bakit nahalal si Pangulong Duterte noong 2016 ay dahil nauunawaan niya ang kahalagahan ng kapayapaan at kaayusan, at ang epekto ng ilegal na droga sa paraan kung paano rin ito nauunawaan ng publiko. Ang punto ko ay ang kaibahan ng pinagdedebatehan sa pamahalaan sa kung ano ang direkta at agarang pangangailangan ng mamamayan na kailangang solusyunan.
Nakatanggap ang administrasyong Duterte ng “very good” performance ratings sa ilang usaping mahalaga sa publiko. Walo sa bawat sampung Pinoy ang sang-ayon sa pagtugon ng gobyerno sa kriminalidad. Natukoy naman sa hiwalay na survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Hunyo 2018 na 78% ng mga Pilipino ang kuntento, habang 13% lang ang hindi masaya sa kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga.
Mataas din ang marking na natamo ng gobyerno sa larangan ng “protecting the welfare of OFWs” (75%), “responding to the needs of areas affected by calamities” (74%), at “fighting graft and corruption” (71%).
Kahit na sa pagtugon sa “most urgent issues”, nakatanggap ang administrasyong Duterte ng positibong Net Approval Ratings (% approve minus % disapprove): Paglikha ng mas maraming trabaho (+43), dagdag-sahod (+32), at pagsugpo sa kahirapan (+11).
Kaya naman hindi na nakagugulat na sa SWS poll nitong Setyembre, 70% ng mga Pilipino ang kuntento sa pagtupad ni Pangulong Digong sa kanyang tungkulin, at nasa 16% lang ang hindi kuntento.
Dapat na ang mga survey na gaya nito ay magsilbing patnubay ng mga pulitiko at opisyal ng gobyerno sa pagtukoy sa mga problemang dapat na pagtuunan ng pansin. At umaasa akong ang mga suliraning ito na nangangailangan ng agarang solusyon ay magiging pangunahing mga usaping ikokonsidera sa midterm elections sa susunod na taon. Mahirap mamuno, subalit magiging mas madali ito kung marunong tayong makinig sa daing at pangangailangan ng ating mamamayan.
-Manny Villar