MAY sagot na ang pagpunta ni Binibining Joyce Bernal sa South Korea kamakailan para humanap ng investors sa movie projects nila sa Spring Films. Isa siya sa producers at creative consultant ng nasabing movie outfit nina Erickson Raymundo at Piolo Pascual.
Matatandaang napasabay sina Direk Joyce at Robin Padilla sa grupo ni President Rodrigo R. Duterte sa state visit ng huli sa Seoul, Korea noong Hunyo 2018, na ayon mismo sa Cornerstone Entertainment President-CEO na si Erickson ay sagot ni Direk Joyce ang ipinamasahe at gastos nito sa hotel, sa ilang araw nitong pamamalagi sa nasabing bansa.
At nitong Huwebes (Setyembre 27), ay iniharap sa bloggers’ conference sina Sue Ramirez, Shamaine Buencamino, Marco Masa, at Nonie Buencamino para sa pelikulang ipo-produce ng Spring Films at Film Line Pictures Productions, ang Sunshine Family. Hango ang pelikula sa award-winning Japanese film na Hit And Run Family, na ipinalabas noong 1992.
Ayon mismo sa award-winning Korean director na si Kim Tai Sik, sa Korea ang principal shoot ng Sunshine Family, sa loob ng 20 days.
Nakilala si Direk Kim Tai Sik sa pelikulang Driving with My Wife’s Lover, na ipinalabas noong 2007, at naimbitahan sa 30 international film festivals.
Ang mga Pinoy na aktor ang pangunahing bida sa pelikula, at lahat ng makakasama nila ay pawang Korean actors na, ayon kay Direk Kim Tai Sik.
Biro ni Sue, okay na sa kanyang leading man si Kim Soo Hyun.
“Okay na ako kay Kim Soo Hyun. Naks, libre namang mangarap, ‘di ba?” biro ng aktres.
Sa Oktubre 31 na ang umpisa ng shooting nila sa Korea.
“We will also shoot some scenes here in the Philippines, but mostly in Korea,” sabi ni Direk Kim Tai Sik.
At dahil matagal ang mahigit dalawang linggong pamamalagi ng mga artista sa Korea, excited na sila. Bukod sa pa-winter na ang klima roon ay mag-e-enjoy daw sila sa mga authentic Korean food.
“Pa-winter po ang October, so bukod sa maraming jackets na babaunin ko ay kailangan marami rin akong baong English. dahil tiyak na nosebleed kami roon.
“Gustung-gusto ko talaga ’yung food nila, gusto ko ‘yung pagiging authentic. ‘Di ba, ang sarap? Nagkakasabay pa nga tayong kumain,” untag sa akin ni Sue, dahil nagkikita kami sa Korean restaurant.
“Siyempre masarap, mababait ang mga tao doon, at siyempre shopping. Pero excited ako kasi it’s time for me to learn their culture at ‘yung language na rin nila para makapag-reach out ako sa kanila.”
Ano na ang mangyayari sa karakter ni Sue sa FPJ’s Ang Probinsyano, dahil matagal ang 20 days? Nagpaalam na ba siya sa production ng top-rating serye?
“Actually ipapaalam pa lang, o naipalam na. Hindi ko pa po sure, eh. Hindi ko rin po alam kung paano o anong gagawin sa karakter ko. Hindi pa kami nagkakausap,” sagot ng dalaga.
At dahil kaliwa’t kanan ang projects ni Sue ngayong 2018, abut-abot ang pasasalamat niya sa lahat ng nagtitiwala sa kanya.
Anyway, isa si Sue sa head turner sa nakaraang 2018 ABS-CBN Ball dahil sa maganda niyang gown, na gawa ni Mak Tumang. Si Mak din ang gumawa ng gown ni Miss Universe Philippines 2018 Catriona Gray.
“Excited ako,” sabi pa ni Sue nang magkuwento tungkol sa gown na isinuot niya sa ABS-CBN Ball. “Actually big fan ako ni Mak Tumang ever since kahit noong nag-aaral pa ako. Fan na ako ng work niya online, and ito na nagawan na niya ako ng gown.”
-Reggee Bonoan