Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi sangkot sa “Red October plot ” ang Liberal Party (LP), Magdalo Group at ilang senador, taliwas sa mga naunang pahayag ng Malacañang na nakikipagsabwatan ang mga ito sa mga komunista para patalsikin sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa deliberasyon kahapon ng Senate Subcommittee on Finance sa panukalang P251- bilyon budget ng Department of Defense (DND) para sa 2019, kinompronta ni Sen. Antonio Trillanes IV ang mga opisyal ng militar kaugnay sa kanilang mga pahayag tungkol sa diumano’y planong destabilisasyon ngayong buwan.
Ipinaliwanag ni AFP Chief-of-Staff General Carlito Galvez Jr. na naglabas sila ng mga pahayag tungkol sa Red October para mapigilan ang “massive recruitment” ng Communist Party of the Philippines-National Peoples’ Army (CPP-NPA) at mga kaalyadong grupo na maisakatuparan ang kanilang planong patalsikin ang Punong Ehekutibo, sa pamamagitan ng sunod-sunod na mass mobilization at tactical offense sa kanayunan.
Aniya, may sampung unibersidad at kolehiyo sa Metro Manila ang naorganisa na ng mga komunista.
“Since basically this is the plot of the CCP-NPA, kung makikita po natin, they would like to have a coalition with the opposition, sir. That’s why the intention is to protect our legitimate opposition,” ani Galvez kay Trillanes.
Kasunod nito ay dinikdik ni Trillanes si Galvez: “While the CPP would like to force a coalition, nakipag-coalition ba kami?”
“No, sir,” sagot ni Galvez.
IMPOSIBLE
Ikinalungkot ni Trillanes ang pagdawit sa kanila sa destab plot, sinabi na matagal nang nagbabala ang oposisyon tungkol sa mga plano ng komunista simula nang maupo sa puwesto si Pangulong Duterte at nagtalaga ng mga lider ng aktibistang grupo sa kanyang Gabinete.
Iginiit din ni Trillanes na bilang isang dating Navy officer, imposibleng makikipag-alyansa siya sa mga komunistang pumatay sa mga kapwa niya sundalo.
“Magiging tubig at langis ito, sir. Hindi talaga pwedeng paghaluin ito, sir,” paniniyak niya kay Galvez.
Pinasalamatan naman ni Sen. Francis Pangilinan, namumuno sa LP, si Galvez sa paglilinaw sa intelligence reports na nag-uugnay sa kanila sa Red October.
Tiniyak ni Galvez na mananatiling tapat ang AFP sa Saligang Batas at kailanman ay hindi magpapagamit sa mga pulitiko.
-Leonel M. Abasola at Vanne Elaine P. Terrazola