ANG paghanga ay nawawala, ang popularidad ay naglalaho kapag ang sikmura na ng mamamayan ang nag-a-alburoto dahil sa pagtaas ng presyo ng halos lahat ng bilihin. Humahanga ang mga Pinoy kay President Rodrigo Roa Duterte at popular si Mano Digong sa mga mamamayan. Binigyan siya ng 16.6 milyong boto noong May 2016 elections. Subalit ang sikmura nila ay nagrereklamo ngayon.
Ang pagtaas ng halaga ng mga bilihin o inflation (6.4%) ang pangunahing concern ngayon ng mga Pilipino. Sa survey ng Pulse Asia noong Setyembre 1-7, 2018, 63% ng respondents na kinapanayam ang nananawagan sa Duterte administration na kumilos kaagad upang resolbahin ang inflation at iwasan ang kung anu-anong bagay o isyu na malayo sa sikmura.
Dahil dito, isinasantabi muna ng PRRD administration ang pagsusulong sa pederalismo sapagkat batay sa opinyon ng mga Pinoy, higit na importante ang problema sa mataas na halaga ng mga bilihin at serbisyo na kailangang aksiyunan ni PDu30 at ng kanyang economic managers.
Kasunod ng inflation na parang TRAIN na nananagasa ngayon sa buhay ng mga mamamayan, nais nilang pagtuunan ng pansin ng administrasyong Duterte na itaas ang sahod ng mga manggagawa (50%), mabawasan ang kahirapan (32%), lumikha ng mga trabaho (30%), at labanan ang graft and corruption (26%).
Ang itinuturing ng mga Pinoy na least concern nila ay ang Charter Change (Cha-Cha) o pagbabago sa Konstitusyon tungo sa pederalismo (3%). Ang iba pang hindi nila masyadong concern ay ang proteksyon sa OFWs (6%), pagkontrol sa populasyon (6%), paghahanda sa ano mang uri ng terorismo (5%), at pagtatanggol sa PH territory (5%).
Pinagsabihan ni Pres. Rody ang mga sundalo na hindi na kailangan pa ng kudeta para patalsikin siya. Handa raw siyang bumaba sa puwesto basta makapagbibigay ng kahit isang matinong dahilan ang mga kawal.
Sabi ni PRRD: “There are talks about coup d’etat, mutiny, they want to oust me. The irony of it all is I really want to step down.” Ayon sa Pangulo, minsan ay sinabihan niya ang militar at pulisya tungkol sa kanyang intensiyon na mag-resign bunsod ng grabeng problema sa kurapsiyon sa gobyerno. Pagod na umano siya sa pagsisikap na mapuksa ang kurapsyon, sapagkat hindi niya masawata ang katiwalian, at handa siyang magbitiw.
Kapag tuluyang nagbitiw sa puwesto ang Presidente, tiyak na ang magbubunyi rito ay ang kanyang mga kritiko tulad nina Sen. Leila de Lima na nakakulong ngayon sa Camp Crame at Sen. Antonio Trillannes IV na nanganganib ding makulong. Baka pati si Joma Sison, founder ng Communist Party of the Philippines, ay pumalakpak din.
-Bert de Guzman