MATINDING pagtataka ang sumagi sa aking utak nang ipinahiwatig ni Pangulong Duterte ang umano’y pakikipagsabuwatan ng ilang sundalo upang siya ay patalsikin. Ito kaya ang sinasabing destabilization plot o kudeta na sinasabing pinauusad ng mga kritiko ng Pangulo, na bahagi ng pinangangambahang ‘Red October’?
Anuman ang katotohanan sa lumutang na mga plano, totoong nakapagtataka ang sinasabing partisipasyon ng ilang sundalo – at maaaring ng ilang pulis at iba pang alagad ng batas – sa pagpapabagsak sa kasalukuyang administrasyon. Lalo na nga kung iisipin na ang naturang grupo na itinuturing na tagapangalaga sa katahimikan ng sambayanan at ng mga komunidad ay nasayaran na ng katakut-takot na biyaya; hindi lamang dinoble ang kanilang mga suweldo kundi pinaglaanan pa ng malaking pondo ang modernisasyon ng mga ospital, kampo at iba pang pasilid kaugnay ng pangangalaga ng gobyerno sa mga sundalo at pulis at sa kanilang mga mahal sa buhay. Isang malaking kawalan naman ng utang na loob kung ang gayong mga biyaya ay susuklian pa ng mistulang pagtataksil sa kanilang makabayang misyon.
Ang naturang nakakikilabot na plano, sa kabilang dako, ay kagyat namang nilinaw ng tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Naniniwala ako na pangunahing tungkulin ng mga kawal ang pagsaludo, wika nga, sa chain of command; pagtalima sa sinumpaan nilang mga tungkulin na iniaatas ng ating Konstitusyon. Nangangahulugan kaya ito na walang magaganap na pagkalas ang ating mga kawal sa organisasyon ng militar?
Biglang sumagi sa aking memorya ang halos sunud-sunod na kudeta na nagsimula noong umiral ang revolutionary government ni President Cory Aquino matapos mapatalsik ang rehimeng diktadurya ni President Marcos. Nasaksihan natin ang malagim at madugong pag-aaklas ng sinasabing mga rebeldeng sundalo; mga stand-off na patunay ng umano’y kawalan ng tiwala ng ilang grupo ng militar sa mga namumuno sa gobyerno. Ang iba pang pangyayari ay bahagi na lamang ng ating kasaysayan.
Dahil dito, bigla ko ring naisip na tila may lohika ang panawagan ni Senador Panfilo Lacson hinggil sa napapanahong loyalty check sa hanay ng militar, at maaaring maging sa pulisya at iba pang grupo ng mga alagad ng batas. Sa gayon, matitiyak kung sinu-sino ang mga tapat sa kanilang misyon at sa administrasyon – lalo na sa Konstitusyon; lulutang ang katapatang kahina-hinala o suspicious loyalty.
-Celo Lagmay