GUSTO kong maniwala na ang pagbulusok o pagbaba ng performance at popularity ratings ni Pangulong Duterte ay bunsod naman ng pagsirit o mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ang nakadidismayang sitwasyong ito ang masyadong nakapagpapahirap sa mga mamamayan, lalo na sa mga naghihikahos sa buhay, na
natitiyak kong kabilang sa mga nagluklok sa kasalukuyang administrasyon.
Higit na nakararaming mga mamamayan ang nasisiguro kong namimilipit sa pagtaas ng halaga ng mga pangangailangan. Bukod sa mga kalamidad na malimit dumaluyong sa ating mga isla, ang naturang price increases ay isinisisi sa tumaas-bumabang presyo ng mga produkto ng petrolyo. Ito ang itinuturing na salarin o culprit sa pagdurusa ng sambayanan.
Totoo na kapag itinaas ng ilang gahamang oil companies ang kanilang produkto, tumataas din ang presyo ng halos lahat ng mga mga paninda at iba pang serbisyo. Ito ang dahilan kung bakit pati ang mga transport groups ay humihiling ngayon ng pagtaas ng pasahe; sila ang labis na nabibigatan sa sunud-sunod na oil price hike ,na walang habas na ipinatutupad ng nasabing mga kumpanya ng krudo; taas-noo pa nilang ipinagmamalaki na ang gayong sistema ng kanilang pagnenegosyo ay bunsod ng pabagu-bagong oil price sa pandaigdigang pamilihin.
Walang magawa ang gobyerno upang panghimasukan ang nasabing mapagsamantalang pagnenegosyo sapagkat ang mga oil corporations ay protektado ng Oil Deregulation Law (ODL) – ang batas na nagpapahirap sa sambayanan na matagal na sanang ipinawalang-bisa ng pamahalaan. Nakapaghihinala kung bakit hindi ito nagawa ng mga kinauukulan.
Pati ang excise tax sa petrolyo na bahagi ng TRAIN law ay tila ayaw galawin ng administrasyon. Naniniwala ako na ang pag-aalis ng naturang buwis ay makatutulong nang malaki sa pagpapababa ng presyo ng mga pangangailangan. Hindi ba ang kawalan ng positibong aksiyon sa nasabing excise tax ang nagpataas sa inflation rate?
Sa harap ng hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin na bunsod ng oil price hike, isang makabuluhang solusyon ang muling pagpapatupad ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF). Nagkataon na ito ay isinulong ni dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. upang pahinain ang epekto ng oil price hike.
Ang OPSF ay itinatag noong 1984 sa pamumuno ni dating Pangulong Marcos upang pangalagaan ang sambayanan sa mataas na presyo ng langis. Subalit ito ay binuwag dahil sa pagsasabatas ng ODL noong panahon ni Presidente Ramos.
Ang pagsasaalang-alang ng OPSF – kasabay ng paglutas sa naturang mga problema – ay marapat aksiyunan kaagad ni Pangulong Duterte upang maibsan ang kalbaryong pinapasan ng mga mamamayan. Malakas ang aking kutob na ang pagwawalang-bahala sa naturang isyu ay patuloy na makapagpapababa sa performance at popularity ratings ng Pangulo.
-Celo Lagmay