BUMAGSAK ang approval at trust ratings ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ikatlong quarter ng 2018 bunsod ng maraming isyu sa administrasyon, partikular ang mataas na inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Batay sa survey ng Pulse Asia nitong Setyembre 1-7, bagsak ng 13 puntos ang approval rating samantalang bagsak ng 15 puntos ang kanyang trust rating. Nakahatak pababa sa kanyang ratings ang nararanasang mataas na presyo ng mga bilihin, na ang labis na tinamaan ay iyong mga mahihirap, na ang malaking bahagi ng kita ay pambili ng pagkain.
Gayunman, nananatiling aprubado ng mga mamamayan ang approval rating niya (75%) at ang trust rating (72%) bagamat ito ang pinakamababa niya sapul noong 2016. Ayon sa Pulse Asia, bumagsak ang ratings ni PRRD sa lahat ng socioeconomic classes at sa georphical areas. Ang pinakamababa ay mula sa hanay ng mahihirap o Class D na nagbigay sa kanya ng approval rating na 74%, bagsak ng 13 puntos at trust rating na 71%, bagsak ng 15 puntos.
Sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na hindi nababahala ang Pangulo sa pagbagsak ng kanyang mga rating. Nakatuon ang kanyang pansin sa gawain bilang Pangulo ng bansa. “Hindi kami nababahala tungkol dito sapagkat ginagawa ng Pangulo ang kanyang makakaya,” sabi ni Roque.
Aminado si Roque na ang dahilan ng pagbagsak ng ratings ni Mano Digong ay sanhi ng inflation o pagtaas sa halaga ng mga bilihin at serbisyo. Ang survey ay ginawa noong Setyembre 1-7 nang iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang inflation rate na 6.4% nitong Agosto, pinakamataas sa nakalipas na siyam na taon.
oOo
Inaresto si Sen. Antonio Trillanes noong Lunes ng mga pulis matapos iutos ng Makati City Regional Court na hulihin siya dahil sa kasong rebelyon. Ito rin ang korte na nagdismis sa kanyang kaso noong 2011. Si Trillanes ay kinuha ng mga pulis sa pamumuno ni NCRPO Director Guillermo Eleazar sa Senado kasama ang court sherrif.
Dinala siya sa Makati court at nagpiyansa ng P200,000 para sa pansamantalang paglaya. Ayon kay Trillanes, ang pagdakip sa kanya ay maituturing na “pagkatalo ng demokrasya sa bansa.” Badya pa ng senador: “For all intents and purposes, darkness and evil prevailed in our country.” Matapos magpiyansa sa Makati Regional Trial Court Branch 150, nagbalik siya sa Senado.
Sinabi ng senador sa mga reporter na dismayado siya sa “pagsuko” ng hudikatura sa pressure ng Sangay ng Ehekutibo sa pag-iisyu ng warrant arrest laban sa kanya. Ayon sa kanya, isa pang kaso na coup d’etat ang kinakaharap niya sa Branch 148 ng hukuman. Ito ay walang piyansa. Umaasa siyang magkaroon ng “milagro” sa kasong ito bagamat handa naman siya sa anumang desisyon.
Mula sa Davao City, sinabi ni PDu30 na ilang kawal ang kasabwat umano ng oposisyon sa plano na siya’y patalsikin. Anang Pangulo: “Ako’y nasasaktan dahil ilang kasapi sa militar ang nakikpagsabwatan sa Liberal
Party, sila ang mga rebel soldier. Hindi ko maintindihan ang kanilang katapatan.”
Matatandaang labis ang “pagmamahal” ni PRRD sa mga kawal at pulis. Sa katunayan, dinoble pa niya ang mga sahod nila. Samantala, binira ni Vice Pres. Leni Robredo ang mga pagtatangka na isangkot siya at ilang opposition figures sa tinatawag na Red October destabilization plot laban sa Pangulo.
-Bert de Guzman