SA pagdiriwang ng ika-63 anibersaryo ng Nueva Ecija Press Club, Inc. (NEPCI), ikinatuwa ko ang pananatiling aktibo ng ethics committee. Ito ang lupon na nagmamasid sa kilos ng ating mga kapatid sa media upang matiyak na ang pagtupad sa kanilang misyon ay nakaangkla sa tunay na diwa ng Journalist’s Code of Ethics (JCE); ito ay kinapapalooban ng mga alituntunin na pinagtibay sa National Press Club (NPC) convention noong April 30, 1988.
Bilang isa ring aktibong mamamahayag sa loob ng mahigit na kalahating dantaon, totoong labis kong ikinagalak ang mistulang pagbuhay sa naturang komite. Sa pahayag ni Gina Magsanoc Caling, kasalukuyang Pangulo ng NEPCI, ang naturang lupon ay pinamumunuan ni Past President Jojo de Guzman; mga miyembro nito ang lahat ng naging Pangulo ng NEPCI. Dapat lamang asahan na ang nasabing komite ang mag-uusisa sa galaw ng ating mga kapatid sa propesyon na maaaring lumilihis sa tunay na diwa ng JCE.
Bagamat hindi aktibong miyembro ng NEPCI, nais kong bigyang diin na ang naturang organisasyon ay naging bahagi ng aking buhay bilang alagad ng tinatawag na Fourth Estate. Bilang isang taal na Novo Ecijano na isinilang sa Zaragoza, Nueva Ecija, hindi ko malilimutan na lahat halos ng okasyon ng NE media group ay dinaluhan ko bilang guest speaker at inducting officer noong pinamumunuan pa natin ang NPC, maraming taon na ang nakalipas.
Pasensiya na po sa bahagyang pagbubuhat ng sariling bangko. Malaki ang utang na loob ko sa nabanggit na organisasyon ng media. Naniniwala ako na isa ito sa mga naging batayan ng pagkakaloob sa akin ng Gawad Parangal ‘95 bilang natatanging Novo Ecijano (print media). Naging batayan din ang aking pagiging Editor-in-Chief ng pahayagang ito, bilang NPC President at bilang Press Undersecretary noong panahon ni President Ramos.
Sa makabuluhang misyon ng NEPCI, dapat lamang asahan ang pagpapahalaga at pagsuporta ng iba’t ibang sektor ng ating lalawigan. Napag-alaman ko na ang ating mga kapatid sa media ay may sarili nang tahanan -- isang dalawang palapag na gusali sa bunga ng pagsisikap ni dating NE Gov. Aurelio Umali. Naniniwala ako na iyon ay patunay ng pagmamalasakit ng dating gobernador sa mahalagang tungkulin ng media sa pangangalap at pagpapalaganap ng makatuturang mga impormasyon na dapat malaman ng ating mga kababayan. Maging ang kasalukuyang gobernador na si Cherry Umali ay nabalitaan kong umaagapay sa makabayang misyon ng NEPCI.
Hindi man dapat, nais kong makiisa sa makahulugang anibersaryo ng NEPCI -- sa pamunuan at mga miyembro nito kalakip ang hangarin na tayo ay laging yumakap sa tunay na diwa ng JCE.
-Celo Lagmay