LUMAYAS na ang ‘Ompong’ sa Pilipinas matapos manalasa sa Northern Luzon, kumitil ng maraming buhay, manira ng mga pananim at ari-arian na tinatayang aabot sa P14 bilyon. Gayunman, nagbabala ang PAG-ASA (Philippine Atmoshperic, Geophysical and Astronomical Services Administration) na posibleng apat hanggang limang ‘Ompong’ pa ang papasok sa ‘Pinas sa huling quarter o tatlong buwan ng 2018.

Sa lupit at dahas ng ‘Ompong’, binayo nito ang Hilagang Luzon kaalakbay ang malakas na hangin at malakas na pag-ulan na naging dahilan ng mga pagbaha at pagguho (landslides) na kumitil ng maraming buhay, partikular ng isang bunkhouse sa Itogon, Benguet, na tinakbuhan ng mga minero at kanilang pamilya sa kalakasan ng bagyo.

Naliligalig ngayon ang ating bansa bunsod ng iba’t ibang uri ng problema, gaya ng pagsikad ng inflation (o pagtaas ng mga bilihin), laganap pa ring kurapsiyon, patuloy ang illegal drugs, pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar, at mga pagsabog sa Mindanao kahit umiiral doon ang martial law.

May nagmumungkahing sa halip na birahin at pagtuunan ng pansin ni President Rodrigo Roa Duterte si Senator Antonio Trillanes IV na mahigpit niyang kritiko, ang dapat daw asikasuhin ng Pangulo at ng kanyang economic at fiscal managers, ay ang lumalang pagtaas ng presyo ng halos lahat ng bilihin, kasalatan ng bigas, at iba pa. May nagsasabing dapat suspindehin ang TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) Law na puno’t dulo ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ang TRAIN daw ay nakabubuti sa ambisyosong Build, Build, Build, Program ng Duterte administration dahil malaking buwis ang napupunta sa kabang-yaman ng gobyerno, pero nagdudulot naman daw ito ng ibayong hirap at pasakit sa mga mamamayan dahil sa kanila kinukuha ang buwis sa pamamagitan ng mataas na presyo ng bilihin.

Walang duda, maganda ang layunin ni PRRD para sa kagalingan at kabutihan ng mga Pinoy. Nais niyang malipol ang illegal drugs, mapawi ang kurapsiyon at isulong ang pagbabago. Subalit libu-libo nang pushers at users ang naitutumba ng mga pulis at vigilantes, heto pa rin ang illegal drugs. Nakapupuslit pa rin ang tone-toneladang shabu sa Bureau of Customs (BoC) at maraming shabu laboratories sa high-end subdivisions at condominiums.

Naniniwala ang taumbayan na hanggang may shabu supplies, hindi masasawata ang mga drug pusher at user. Patayin man araw-araw ang pushers at users, tiyak na may bagong pushers at users ang susulpot. Ang dapat gawin ng PDu30 admin ay putulin ang shabu supplies ng mga smuggler at drug lords.

May mga nagtatanong: Kailan kaya titigil ang oil companies sa linggu-linggong pagtataas ng presyo ng gasolina, diesel at iba pang produktong petrolyo? Mataas na ang presyo ng bigas at ulam, namumunini naman sa tubo at pakinabang ang mga kumpanya ng langis. Kawawang Pilipinas, kawawang Pilipino, kailan ka giginhawa?

-Bert de Guzman