PAG-ANGKAT ng bigas ang matagal nang nakahandang solusyon ng pamahalaan sa mga kakulangan ngunit bagamat napahuhupa nito ang masamang sitwasyon sa loob lamang ng ilang linggo, ang pagbili ng bigas sa ibang bansa ay hindi pinakamainam na aksiyong pangmatagalan.
Dapat nating pagtuunan ang modernisasyon ng agrikultura, kabilang ang bagong teknolohiya sa bigas, libre at mas pinalawig na irigasyon, mekanisasyon, patuyuan at iba pang kailangang pasilidad sa pag-aani, tungo sa pagkamit ng tunguhing ‘self-sufficiency’ sa pagkain.
Kung gayon, dapat na maitaas ng pamahalaan ang pondo para sa Department of Agriculture (DA) at ang mga kaugnay nitong ahensiya na namamahala ng niyog, mais, isda at mga livestock. Sa kasamaang-palad, para sa 2019 General Appropriatons Act, tanging P49.8 bilyon lamang ang pondo para sa DA, mas mababa sa P55.6 bilyong pondo ngayong 2018. Sinabi ni Secretary Emmanuel Piñol na kailangang pagkasyahin ng ahensiya kung ano ang meron.
Dumating naman sa tamang pagkakataon ang isang ulat hinggil sa paglalaan ng China ng bagong pondo na 27.52 milyong renminbi (P226.93 milyon) para sa magkatuwang na programa ng Pilipinas at China na nagsimula dalawang dekada na ang nakalilipas para sa pagsusulong ng teknikal na pagtutulungan sa produksiyon ng bigas.
Ang bagong donasyon, na nilagdaan nina Secretary of Finance Carlos Dominquez III at China Commerse Minister Zhong Shan sa Hainan kamakailan, ang magpapaunlad ng hybrid rice center ng Pilipinas at makapagpapaangat sa produksiyon ng palay ng bansa. Sakop nito ang ikatlong bahagi ng technical cooperation project ng Philippine-Sino Center for Agriculture Technology (PhilSCAT). Ang research at demonstration center na pauunlarin upang maging isang modernong hybrid rice breeding station and technology center.
Taong 2000 nang itatag ang 10-ektaryang Phil SCAT kasama ng inisyal na $5 milyong donasyon mula sa China at sa katapat nitong pondo mula sa pamahalaan ng Pilipinas. Matatagpuan ito sa Central Luzon State University sa Science City ng Munoz, Nueva Ecija.
Parte ang ikatlong bahagi ng programa ng PhilSCAT, ng kasunduan sa ekonomiya at teknikal na kooperasyon sa China kasama ng 500 milyong renminbi (P4.13 bilyon) na donasyon para sa apat na proyekto ng Pilipinas.
Dapat na gamitin ng DA ang pagkakataon sa pagsasalin ng hybrid rice technology at iba pang benepisyo na inaaalok ng dambuhalang kalapit-bansa para sa pagsusulong ng pananaw ni China President Xi Jinping na “shared future for mankind.” Gamit ang tulong, at ang kagalingan at pagsisikap ng ating sariling mga siyentista at magsasaka, magagawa nating makahakbang nang malaki tungo sa tunguhin nating ‘self-sufficiency’ sa pagkain.