Tiniyak ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Ronaldo “Bato” Dela Rosa na walang makukuhang special treatment sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang sentensiyadong si retired Army Major General Jovito Palparan.
Nilinaw ng BuCor chief na ilang araw munang mananatili sa reception and diagnostic center sa NBP si Palparan para sa wastong proseso ng mga bagong dating na preso.
Aniya, gaya ng ibang bilanggo ay isasailalim si Palparan sa quarantine at medical examination bago ilipat sa maximum security compound.
Hinatulan nitong Lunes si Palparan ng Malolos Regional Trial Court ng habambuhay na pagkakabilanggo makaraang mapatunayang guilty sa kidnapping at serious illegal detention sa pagkawala ng dalawang estudyante ng University of the Philippines (UP) na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, na dinukot sa Hagonoy, Bulacan noong 2006.
Pareho rin ang hatol ng korte sa mga kapwa akusado ni Palparan na sina Lt. Col. Felipe Anotado at Staff Sgt. Edgardo Osorio habang pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad ang isa pang akusado na si Rizal Hilario.
-Bella Gamotea