SA pag-alis ng mapaminsalang bagyong ‘Ompong’, isang makatuturang mensahe ang iniwan nito: Mistulang naningil ang kalikasan. Nangangahulugan na ang paghagupit ng naturang kalamidad ay lalo pang pinasungit ng pagwasak sa kalikasan na kagagawan naman ng mga tampalasang minero, magtotroso at iba pang salot ng kabundukan.
Bukod sa milyun-milyong pisong halaga ng pinsala sa agrikultura at mga pagawaing-bayan na tulad ng mga tulay at kalsada, marami rin ang ating mga kababayan na hindi nakaligtas sa daluyong ng nabanggit na bagyo. Sa Benguet lamang—at maaaring sa iba pang minahan—marami ang nalibing nang buhay.
Gusto kong maniwala na ang malagim na mga insidente ay naganap sa mga minahan na walang permiso at matagal nang ipinasara ng gobyerno dahil sa tandisang paglabag sa ating Mining Law. Naalala ko ang mga kautusan hinggil dito na ipinatupad nina dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretaries Lito Atienza (ngayon ay Congressman) at Gina Lopez. Maaaring patuloy pang nasisira ang ating kalikasan dahil sa kamandag ng pagsasabuwatan ng ilang tiwaling opisyal at ng mismong mga buhong na illegal miners.
Ganito rin ang nagaganap sa walang habas na pamumutol ng troso na maliwanag namang kagagawan ng illegal loggers. Halos makalbo na ang ating mga kagubatan: Naubos na ang mga punong kahoy na epektibong pumipigil sa pagdaloy ng tubig sa kapatagan. Dahilan ito ng pagbaha na pumipinsala sa ating mga pananim at iba pang kabuhayan—at nagiging kamatayan ng ating mga kababayan.
Sa bahaging ito lumutang ang matinding pangangailangan sa implementasyon ng reforestation program. Akmang-akma rito ang advocacy ni Dr. Bernardo Dizon, ang tanging pomologist sa Pilipinas, siya ang itinuturing na fruit-bearing tree expert na dalubhasa sa pagpapabunga ng mga punongkahoy sa pamamagitan ng double at multiple root stock.
Sa kanyang malasakit sa pangangalaga ng kalikasan, bahagi ngayon ng kanyang advocacy ang paghikayat sa ating mga indigenous people (IP) o mga katutubo na magtanim ng mga fruit trees sa mga kagubatan. Ang pagtatanim ng mga mangga, rambutan, lanzones at iba pa ay magiging bahagi ng reforestation projects na dapat ding ipatupad ng pamahalaan.
Bukod sa paggabay, isinusulong din ni Dr. Dizon ang pagtuturo ng iba’t ibang teknolohiya sa paghahalaman, lalo na sa ating mga magbubukid na nangangailangan ng dagdag na pagkakakitaan sa pamamagitan ng pagtatanim ng naturang mga punongkahoy. Pinasisigla niya ang ganitong advocacy sa mga seminar na idinadaos sa kanyang nursery sa Ninoy Aquino Park and Wildlife sa Quezon City at sa Central Luzon State and University (CLSU), ang kanyang alma mater.
Naniniwala ako na marapat lamang suportahan ng gobyerno ang naturang mga adhikain at ‘breakthrough’ ni Dr. Dizon upang tayo ay hindi laging sinisingil ng kalikasan.
-Celo Lagmay