Kumpiyansa ang Malacañang na wala ring mangyayari kahit maghain pa si Senator Antonio Trillanes IV ng panibagong impeachment complaint laban kay Pangulong Duterte.
Ito ang reaksyon ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos hamunin ni Trillanes ang Pangulo na isapubliko ang recording ng sinasabi nitong impormasyon tungkol sa banta ng destabilisasyon na galing umano sa isang foreign government.
Binigyang-diin ni Trillanes na ang ginawa ng Pangulo ay isang impeachable offense.
“Let him file another impeachment complaint, wala rin namang mangyayari diyan kasi wala naman talagang saysay,” sinabi ni Roque sa press conference kahapon.
“It’s all about drama and political mileage,” patuloy pa nito.
Matatandaang ibinunyag ng Pangulo na isa aniyang sympathetic foreign government ang nagbigay sa kanya ng impormasyon kaugnay ng sinasabing pagkakasangkot ng senador sa isasagawa sanang pagpapatalsik kay Duterte sa puwesto.
Sa panig naman ng constitutional law professor na si Tony La Viña, sinabi niyang culpable violation ng Konstitusyon ang pagpayag ng Pangulo sa naturang foreign interception, na paglabag sa tiwala ng publiko bukod sa nalalagay din sa alanganin ang seguridad ng bansa.
Isa rin, aniya, itong impeachable offense.
Kinontra naman ito ni Roque na nagsabing tanging ang Kongreso lamang ang maaaring tumukoy kung isa nga itong impeachable offense.
“That’s his personal opinion. Ultimately, Whether or not it is impeachable is it will be a decision of the House of Representatives. That’s just an expression of a personal opinion which should not carry much weight,” ayon pa kay Roque.
-Argyll Cyrus B. Geducos