BAGAMAT hindi pa natin nadarama ang tindi ng hagupit ni Ompong, dapat lamang asahan ang pagkukumagkag ng ating mga kababayan hindi lamang sa pagsusuhay ng kanilang mga bahay kundi maging sa paghahanda ng mahahalagang pangangailangan tuwing tayo ay ginugulantang ng mga kalamidad. Habang isinusulat ito, nakababahala ang babala ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA): Malakas ang bagyong si Ompong.
Maaaring ang naturang bagyo ay hindi kasing-lakas ni Yolanda, Ondoy at iba pa na naging dahilan ng kamatayan ng marami nating mga kababayan at puminsala ng bilyun-bilyong pisong halaga ng mga ari-arian. Subalit nakababahala ang malawak na sakop ni Ompong na may 900 kilometro ang diametro. Ibig sabihin, hahagupitin nito ang halos buong Luzon at ilan pang lalawigan sa Visayas. Hindi malayo na maramdaman din ang matinding bugso nito sa ilang lugar sa Mindanao.
Bilang paghahanda sa daluyong ni Ompong, marapat ding madaliin ang preparasyon ng mga evacuation centers para sa sapilitang paglikas o forced evacuation ng ating mga kababayan, lalo na ang mga naninirahan sa dalampasigan o coastal areas. Higit sa lahat, dapat ding bilisan ng mga opisyal ng local government units (LGUs) ang paghahanda ng mga relief goods at iba pang importanteng pangangailangan ng mga maaaring maging biktima ng kalamidad.
Naniniwala ako na ang gayong mga pangangailangan ay laging pinaghahandaan o matagal nang pinaghandaan ng kinauukulang mga ahensiya, tulad ng Department of Social Services and Development (DSWD), Department of National Defense (DND), at iba pa. Ang kinauukulang mga pinuno ng naturang mga ahensiya ay marapat na maging ‘hands-on’, wika nga, sa kanilang pagsaklolo sa mga calamity victims, tulad ng ginagawa ni Pangulong Duterte. Hindi lamang siya sa mga sinalanta ng kalamidad sumsusugod kundi maging sa mistulang lugar ng labanan ng mga rebelde at ng ating mga sundalo at pulis.
Kaakibat ng gayong mga tagubilin, hindi marahil kalabisang ipaalala sa kinauukulang mga opisyal at tauhan ng gobyerno na maging matapat sa pamamahagi ng mga relief goods sa ating mga kababayan. Hindi na sana maulit ang mga pagsasamantala sa pamamahala ng tulong na nakaukol sa mismong mga biktima ng kalamidad. Hindi ba gayon ang naganap hindi lamang noong binagyo tayo ni Yolanda at ng iba pang super-typhoon? Hindi ba pati ang mga donasyon mula sa iba’t ibang bansa ay sinasabing pinakialaman ng ilang mapagmalabis na opisyal?
Hindi na dapat maganap ang gayong nakadidismayang pangungulimbat na lalo lamang makabibigat sa problema ng mga biktima ng hagupit ni Ompong.
-Celo Lagmay