ANG mga kakandidato para sa 12 puwesto sa Senado, sa lahat ng kasapi ng Kamara de Representantes, sa mga gobernador, sa mga bise gobernador, sa mga board member, sa mga alkalde, sa mga bise alkalde, at sa mga konsehal ay magsisipaghain ng kani-kanilang certificate of candidacy sa Oktubre upang maiboto sa midterm elections sa Mayo 13, 2019.
Itinakda ng Commission on Elections (Comelec) ang paghahain ng kandidatura sa Oktubre 1-5, subalit hiniling ng Kongreso sa komisyon na iurong ang petsa nito upang hindi mapasabay sa mga huling araw ng kasalukuyang 17th Congress, at inaasahang maraming kongresista ang liliban sa mga natitirang sesyon upang maisagawa ang paunang hakbanging ito sa kanilang kandidatura.
Dapat na maghain ng kanilang kandidatura ang mga kasapi ng Kamara de Representantes sa kani-kanilang distrito sa mga lalawigan. Kapag nagsiuwi na sa kanilang lalawigan, karaniwan nang magpapakaabala sa mga pulong at iba pang aktibidad na may kinalaman sa eleksiyon ang mga kongresista. Malaki ang posibilidad na piliin nilang dumalo sa mga aktibidad na ito kaysa bumalik kaagad sa Metro Manila para sa mga natitirang araw ng Kongreso.
Sa huling Kongreso—ang ika-16—namroblema ang Kamara sa quorum, subalit ito ay iniuugnay sa pagtanggi ng maraming mambabatas na makiisa sa pagsisikap ng administrasyong Aquino na maaprubahan ang Bangsamoro Bill nang mga panahong iyon. Hindi suportado ng publiko noon ang isinusulong ng panukalang Bangsamoro dahil sa Mamasapano massacre, kung saan 44 na tauhan ng Special Action Force ang pinatay ng puwersang Moro sa Maguindanao. Kinailangan pa ang bagong administrasyong Duterte upang buhaying muli ang itinataguyod ng Bangsamoro hanggang sa mapagtibay na nga ito kamakailan.
Sa pagkakataong ito, wala nang kontrobersiyal na panukala na magiging dahilan upang iwasan ng mga kongresista ang pagdalo sa mga sesyon. Subalit napakaraming nakabimbing panukala na dapat na pagtibayin ng mga mambabatas bago magtapos ang Kongreso sa Oktubre 12. Kaya nagpasa ng resolusyon ang Kamara, sa pamamagitan ng mosyon ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo, upang hilingin sa Comelec na iurong na lang ang petsa ang paghahain ng kandidatura sa Oktubre 11-17, at kaagad itong sinang-ayunan ng Senado. Makalipas lang ang ilang araw, iniurong na nga ng Comelec ang mga petsa ng paghahain ng kandidatura.
Ang P3.757-trilyon na General Appropriations Act for 2019 ang pinakamahalagang panukala na dapat na agarang pagtibayin bilang batas bago matapos ang taon. Nariyan din ang batas na magtatatag ng Department of Disaster Resiliency. Hiniling na ng Kamara sa National Price Coordinating Council na mag-ulat ng mga hakbanging isasakatuparan nito upang maibsan ang matinding epekto ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo; maaari rin na ito na mismo ang umaksiyon upang maresolba ang tumitinding problemang ito ng bansa.
Kaya naman dapat na wala nang maging problema sa quorum sa mga huling araw ng 17th Congress ngayong taon. Magkakaroon ng sapat na panahon ang mga kandidato upang asikasuhin ang mga kailangan nilang gawin para sa eleksiyon, sa pag-asang magiging bahagi pa rin sila ng susunod—ang ika-18—na Kongreso, na kabilang sa maraming tungkuling kahaharapin ay ang pagsasama-sama ng mga mambabatas bilang Constituent Assembly para bumuo ng bagong Konstitusyon para sa bansa.