HINDI ko matiyak kung hanggang saan na ang narating ng mga panukalang-batas na magkakaloob ng ‘highest standard of health care’ sa mga mamamayan. Ang naturang serbisyong pangkalusugan na ipinangangalandakan ng Duterte administration ay nakapaloob sa Universal Health Coverage Bill na magkatuwang na isinulong ng Senado at Kamara.
Palibhasa’y malimit kapitan ng iba’t ibang karamdaman, kabilang ako sa mga umaasam na maisabatas ang nabanggit na panukala. Maging si Pangulong Duterte ay natitiyak kong may masidhing adhikain na mapagtibay ang naturang bill na mangangalaga sa ating kalusugan. Sa katunayan, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng nasabing bill sa kanyang nakaraang State of the Nation Address (SONA); sinertipikahan niya ito bilang ‘urgent’. Wala akong makitang dahilan kung bakit tila pinatatawing-tawing pa ito ng mga mambabatas.
Ang pagkakaloob ng mataas na pamantayan ng serbisyong pangkalusugan ay obligasyon ng administrasyon o ng pamahalaan. Ito ay karapatan ng sambayanan na itinatadhana hindi lamang sa ating Konstitusyon kundi maging sa Universal Declaration of Human Rights. Marapat na tayong lahat ay magtamasa ng mataas na kalidad ng serbisyo na kaakibat ng medical care, tulad ng libreng konsultasyon, libreng gamot at iba pang pangangailangan para sa ating mga karamdaman.
Hindi ko rin matiyak kung nagkaroon na ng positibong resulta ang utos ni Pangulong Duterte hinggil sa pagbuhay o muling pagpapatupad ng Botika ng Bayan na magkakaloob ng libreng medisina sa taumbayan. Ang naturang programa na itinaguyod noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ngayon ay House Speaker, ay nakatulong nang malaki sa mga pasyente, lalo na sa mga nagdarahop na mga pamilya.
Pinaglaanan ito ng limang bilyong piso mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Mahigpit ang utos ng Pangulo: Magtayo ng Botika ng Bayan sa buong kapuluan upang ang mga mahihirap ay makabili ng murang gamot. Hindi ko matiyak kung ang naturang mga botika ay nagseserbisyo pa.
Isa ring kahawig na programa ang isinulong ng ilang mambabatas tungkol naman sa Libreng Gamot Program. Sinasabi na ito ay pamamahalaan ng Department of Health (DoH) sa pag-agapay ng mga district hospital, local health units at barangay health centers; may koordinasyon ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Walang alinlangan na ang nabanggit na mga programa at panukala ay maituturing na hulog ng langit sa ating lahat, lalo na sa mga nagdarahop na pamilya. Sana hindi ito manatiling panaginip na magbubunga ng bangungot sa mga mamamayang laging umaasam ng mabuting serbisyong pangkalusugan.
-Celo Lagmay