MASYADONG nakababahala ang mabilis na paglaki ng populasyon ng ating bansa, lalo na kung iisipin ang mabagal namang pag-angat ng pamumuhay ng ating mga kababayan. Ang ganitong alalahanin ay lalo pang pinabibigat ng walang humpay namang pagtaas ng presyo, hindi lamang ng ating pangunahing mga pangangailangan, kundi kahit na ng pangkaraniwang gulay na sumisibol lamang sa ating mga bakuran.
Mula sa kasalukuyang 106 milyong populasyon sa Pilipinas, tinataya na ito ay magiging 125 milyon sa 2030 sapagkat ito ay nadadagdagan araw-araw. Gusto kong paniwalaan ang may lohikang pagbibiro ni Pangulong Duterte: “The Philippines is now one of the largest producers of babies in the world.” Naging batayan ito marahil upang ang ating bansa ay maihanay bilang 13th spot sa World Population Review.
Maaaring maliit lamang ang bilang ng ating mga kababayan kung ihahambing sa populasyon ng ibang bansa. Ang China, halimbawa, ang nasa top spot sa populasyong 1.4 bilyon; sumusunod ang India na may 1.3 bilyon at ang United States na may 327 milyon.
Ang Indonesia ang tanging bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na napabilang sa top 10; ito ay pang-apat sa populasyong 207 milyon. Hindi malayo na ang ating bansa ay humabol sa tinatawag na most populous nations, lalo na nga kung iisipin na lumalago ang bilang ng ating mga kababayan araw-araw. Ang ganitong pangamba ay hindi dapat ipagwalang-bahala ng mga awtoridad.
Naniniwala ako na ito ang dahilan ng paglagda ng Pangulo ng Executive Order (EO) No. 12 na nagtatakda ng pondo at suporta sa makabagong family planning para sa lahat, lalo na sa maralitang mga pamilya. Inaatasan ng EO ang local government units (LGUs) na alamin ang mga mag-asawa at ang sinuman na nangangailangan ng family planning services.
Inaakala ng administrasyon na ang naturang EO ay epektibo laban sa tila hindi mapigil na paglobo ng ating populasyon. Dangan nga lamang at ito ay mahigpit na tinutulan ng iba’t ibang sektor, lalo na ng tinatawag na pro-life advocates. Lalong mahigpit ang pagtutol ng Simbahang Katoliko -- at maaaring ng iba pang sekta ng pananampalataya. At iisa ang nakikita kong linya ng kanilang paninindigan: Ang limitasyon sa pag-aanak ay taliwas sa utos ng Panginoon. Marahil, ang tinutukoy ay ang banal na tagubilin: Magpakarami kayo.
Anuman ang mga argumento sa pagpaplano ng pamilya, hindi nagbabago ang aking pananaw: Hindi dapat panghimasukan ang sariling desisyon ng mag-asawa kung ilan ang gusto nilang maging supling.
-Celo Lagmay