MATIGAS ang Malacañang. Mula sa Amman, Jordan iniulat noong Biyernes na hindi babawiin ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang inisyung Proclamation 752 tungkol sa amnesty na iginawad kay Sen. Antonio Trillanes IV ni ex-Pres. Noynoy Aquino noong 2011.

Sa kabila ng paghahain o pagpapakita ni Trillanes ng mga dokumento para pabulaanan ang claim ng Palasyo na hindi siya nag-apply ng amnesty at hindi umamin sa pagkakamali sa paglahok sa coup attempts noong 2003, 2006 at 2007, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na “Palace is standing by the proclamation.”

Ayaw nang magkomento ni Roque tungkol sa amnesty issue maliban sa pagsasabing, “nagtungo na siya (Trillanes) sa Korte. Maipagtatanggol ng gobyerno ang posisyon nito sa Korte.” Nagpetisyon ang senador sa Supreme Court na mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) laban sa Proclamation No. 752 sapagkat ang pagbawi raw sa kanyang amnesty na iginawad noong 2011 ay ilegal.

Samantala, sinabi ni Vice Pres. Leni Robredo na sa halip na gipitin ni PRRD ang oposisyon, dapat na pagtuunan ng administrasyon ang patuloy na pagsikad ng inflation na umabot na sa 6.4 percent nitong Agosto. Ayon kay beautiful Leni, ang paglobo ng inflation at pagsirit sa presyo ng pangunahing bilihin, tulad ng bigas, ay kumpirmasyon na walang ginawa ang gobyerno upang ito’y mapigilan.

Sinabi niyang sa halip na sayangin ng Duterte administration ang oras sa mga bagay na hindi mahalaga, gaya ng pagbawi sa validity ng amnesty na iginawad kay Sen. Trillanes, dapat ay kumilos ito para mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Pinoy, mapababa ang presyo ng bigas, at iba pa.

Bumagsak ang halaga ng piso sa pinakamababang level sa nakalipas na 13 taon laban sa dolyar. Noong Huwebes, naging P53.80 ang kapalit ng isang dolyar, pinakamababa sapul noong 2005. Ayon sa ulat, ang Philippine peso ang “biggest loser” sa Southeast Asia.

Bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin at serbisyo, nanawagan ang mga eksperto sa ekonomiya sa mga mambabatas na suspindehin ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law. Nais nila na repasuhin ang impact o epekto nito sa consumer prices bago pagtibayin ang ikalawang bahagi ng nito, ang TRAIN 2 o TRABAHO.

oOo

Karamihan sa mayayamang tycoon sa Pilipinas ay lalo pang nagsisiyaman. Nanatili si Henry Sy Sr., ang mall magnate, bilang pinakamayaman sa Pilipinas sa nakalipas na 11 taon sa pagtatamo ng $18.3 billion mula sa $18 billion noong nakaraang taon, ayon sa Forbes Philippines 2018 Rich List.

Pangalawa kay Sy si ex-Sen. Manny Villar na naging triple ang net worth na $5.5 billion mula sa $1.65 billion. Ang kanyang anak, si Mark Villar, ay miyembro ng gabinete ni PRRD.

Naging masigla at malakas daw ang negosyo ni Villar, ayon sa Forbes, gaya ng shares sa Golden Bria, housing projects at condominiums para sa middle-class families.

Tanong: “Ilang milyon naman kaya ang naghihirap na Pinoy, gutom, kulang sa bigas, walang trabaho habang ang mga pulitiko at lider ng ating bansa ay nagbabangayan?”

-Bert de Guzman