Nanindigan kahapon si Senator Antonio Trillanes IV na patuloy niyang lalabanan ang umano’y mga panggigipit ni Pangulong Duterte kahit ang maging kabayaran nito ay ang kanyang kamatayan.

“Hindi ako takot kay Mr. Duterte, I will pursue my advocacy even if this may cause my death. This is the price I have to pay,” ani Trillanes.

Ibinunyag din niyang may mga tagasuporta siya mula sa pamahalaan, kabilang na sa Department of National Defense (DND) na nagbigay sa kanya ng mga dokumentong magpapatunay na dumaan siya sa tamang proseso bago nabigyan ng amnestiya ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong 2011.

Sinabi rin kahapon ni Trillanes na ilang aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang “conflicted” sa pagbawi ni Duterte sa kanyang amnestiya.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Definitely, conflicted sila kasi alam nila na pulitika ito,” ani Trillanes. “They are extremely bothered by this political move of their Commander-in-Chief na isinalang pa sila sa alanganin.

“Sabi ko na rito, ‘hindi n’yo hawak ‘yung DND at AFP’. Hindi nila hawak. Maraming tumutulong kasi ayaw nila na nagagamit ‘yung AFP dito sa political exercise na ginagawa nila.

Aniya, “uncomfortable” rin ang ilang opisyal ng militar sa sinabing ibabalik siya sa military service at sasailalim sa court martial proceedings.

“Na-imagine n’yo how absurd that sight would be. And I would be tried by a court martial? Kaya hindi sila kumportable doon, and they are expressing it, through their expression of support since Tuesday. Grabe, mga active officers ito,” sabi ni Trillanes.

Kahapon din ay nagtungo ang mga abogado ni Trillanes sa Korte Suprema upang hilingin na ipawalang-bisa ang proklamasyon ni Duterte na bumabawi sa kanyang amnestiya.

-Vanne Elaine P. Terrazola at Leonel M. Abasola