Magsasagawa ng pagdinig ang Makati City Regional Trial Court (RTC) kaugnay ng mosyon ng Department of Justice (DoJ) para maglabas ang korte ng alias arrest warrant at hold departure order (HDO) laban kay Senator Antonio Trillanes IV, na pinawalang-bisa ang amnestiya nitong Martes.

“Let the Motion be set for hearing on September 13, 2018 at 9:00 in the morning,” saad sa order ni RTC Branch 148 Presiding Judge Bartolome Soriano.

Binigyan din ni Soriano si Trillanes ng limang araw pagkatanggap ng nasabing order upang maghain ng komento kaugnay ng nasabing mosyon ng DoJ.

Dahil dito, inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pulisya na hintayin munang maibaba ang warrant of arrest bago dakpin si Trillanes.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“The police will have to wait for the warrant,” ani Guevarra.

Hiniling ng DoJ sa korte ang pagpapalabas ng alias warrant of arrest at HDO laban kay Trillanes makaraang ipalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 572, na nagdedeklarang “void ab initio” o sa simula pa man ay walang bisa ang amnestiyang ibinigay kay Trillanes dahil sa kabiguan nitong maka-comply sa mga requirements.

AAPELA NG TRO

Makaraang igiit na nakatupad siya sa lahat ng requirements at umamin na rin sa pangunguna sa ilang kudeta laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, sinabi ni Trillanes na idudulog niya sa Supreme Court (SC) ang legalidad ng pagbawi ni Duterte sa amnestiyang ipinagkaloob sa kanya ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

“Magfa-file kami ng petition for TRO (temporary restraining order) sa Korte Suprema. Kasi ‘to, sa akin, this goes beyond the political lines,” sinabi ni Trillanes sa press briefing kahapon sa Senado.

Ayon sa tanggapan ng senador, ihahain nila ang nasabing petisyon Miyerkules ng hapon hanggang ngayong Huwebes.

“‘Yung presidential declaration na ‘yun should alarm the justices of the Supreme Court kasi nandoon ‘yong exercise ni Duterte ng executive, legislative and judicial powers,” ani Trillanes. “‘Yung warrant of arrest, pagka-in-affirm nila ‘yung presidential declaration, [ibig sabihin] puwede nang mag-issue ng warrant ‘yung President.”

HANDANG MAGPAARESTO

Bantay-sarado ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), muling tiniyak ni Trillanes na sasama siya nang matiwasay sa mga awtoridad sakaling may inilabas nang arrest warrant ang korte laban sa kanya.

“Sabi ko nga hindi ko sila (Senado) iko-compromise, kumbaga ‘yong parang nagde-defy ang Senado. Yes (magpapaaresto siya),” sabi ni Trillanes.

Iginiit naman ng senador na hindi siya maaaring arestuhin sa mga dati niyang kaso dahil pawang ibinasura na ng korte ang mga ito, sa bisa na rin ng amnestiya.

KULUNGAN READY NA

Samantala, kinumpirma rin kahapon ni Department of National Defense (DND) Spokesman Arsenio Andolong na handa na ang detention facility sa Camp Aguinaldo sakaling arestuhin na si Trillanes.

“Regarding that, once he is apprehended he will be turned over to the custody of the military police because ‘yun nga nag revert siya sa kanyang active military status and we at the DND and AFP are ready to accept him. Naka-ready na ‘yung kanyang detention facility,” sabi ni Andolong.

-Jeffrey G. Damicog, Beth Camia, at Vanne Elaine P. Terrazola, ulat nina Leonel M. Abasola at Francis T. Wakefield