WALANG dapat na ikamangha sa walang puknat na panggagalaiti ng mga mamimili, kabilang na ang aming Yaya: Wala nang murang bilihin ngayon. Naniniwala ako na ang kanilang tinutukoy ay presyo ng halos
lahat ng pangunahing pangangailangan ng sambayanan. Isipin nga naman na ang isang bungkos ng kamote na binubuo ng limang talbos ay nagkakahalaga ng limang piso!
Malaki na rin ang itinaas ng halaga ng mga pagkaing de-lata o canned goods. Hindi na tumatalab ang suggested retail price (SRP) na ipinatutupad ng gobyerno upang bumaba naman, kahit paano, ang presyo ng naturang mga bilihin. Sanhi marahil ito ng hindi rin mapigilang pagtaas ng halaga ng lata o tin materials na ginagamit sa produksyon ng naturang mga canned goods.
Pati ang mga kompanya ng tubig, kuryente at iba pang basic services ay nag-uunahan sa pagpapapataas ng singil sa mga consumer. Totoo na ang naturang mga water at power concessionaires ay patuloy sa pagpapabuti ng kanilang serbisyo, tulad ng modernisasyon ng electrical connections at pagpapalit ng tubo ng tubig. Subalit nararapat din naman nilang isaalang-alang ang nakalululang pagtataas ng singil na hindi na halos matugunan ng taumbayan, lalo na ng mga nagdarahop sa pamumuhay.
Hindi rin maawat ang mga kumpanya ng langis at gasolina sa pagtatakda ng halos sagad sa langit na price increase. Walang nakapipigil sa gayong sistema ng kanilang pagnenegosyo sapagkat pinangangalagaan sila ng Oil Deregulation Law (ODL) -- ang batas na labis na nagpahirap sa mga motorista at sa sambayanan sa kabuuan. Ang naturang batas na dapat ay matagal na sanang pinawalang-bisa ang maituturing na salot sa lipunang Pilipino.
Ang lahat ng nakadidismayang situwasyong ito, at marami pang iba, ay isinisisi sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN). Sinasabing ito ang nagpapataw ng buwis sa mga produkto ng malalaking negosyo. Nagkakaroon ito ng kawing-kawing na epekto na nagiging dahilan ng pagtatakda ng mataas na presyo sa mga bilihin.
Totoo man o hindi ang gayong mga pananaw, marapat ang dagliang aksiyon ng administrasyon upang mapawi ang panggagalaiti ng mga mamamayan. Natitiyak ko na ang sitwasyong ito ay pagpipistahan ng mga kritiko na wala nang nakikitang nagawang mabuti ang gobyerno.
Kailangan nang pawiin ang paniniwala na wala nang mura ngayon, maliban sa buhay ng tao. Marahil, ang tinutukoy ay mga biktima ng Oplan Tokhang -- mga users, pusher, druglords -- na inuutas kapag nanlalaban.
-Celo Lagmay