MALAKI ang potensyal ng Pinoy sa eSports – ang world wide phenom video competition – at kasalukuyang tumataas ang bilang ng mga tagasuporta at indikasyon ang paglarga ng malalaking torneo, local at international, sa bansa.

PINANGASIWAAN nina GAB officers (mula sa kaliwa) Dodie Gonzales, Karlo Christian Rodriguez, Cynthia Cañezal at Roselyn Ann Bagasol ang kaganapan sa ‘Globe Conquerors Manila 2018’ sa MOA Arena. (GAB PHOTO)

PINANGASIWAAN nina GAB officers (mula sa kaliwa) Dodie Gonzales, Karlo Christian Rodriguez, Cynthia Cañezal at Roselyn Ann Bagasol ang kaganapan sa ‘Globe Conquerors Manila 2018’ sa MOA Arena. (GAB PHOTO)

Ayon kay Games and Amusement Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, nasa pangangasiwa ng GAB ang regulasyon ng eSports bilang pinakabagong professional sports sa bansa.

“Pero ang nakakatuwa rito, sila mismo (eSports community) ang lumapit sa amin at hiniling na bigyan namin sila ng sactioned at iregulate ang kanilang mga torneo at malisensyahan ang kanilang mga players,” pahayag ni Mitra.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

“Actually, we’re surprised ng malaman naming kung gaano na kalaki ang eSports at sa dami ng mga Pilipinong humuhusay dito, malaki ang potensyal natin na maging world champion,” aniya.

Iginiit ni Mitra, dating Palawan Governor at Congressman ang eSports at kasalukuyan nilalaro bilang exhibition game sa kasalukuyang 18th Asian Games sa Jakarta, Indonesia.

“Sa 2020 Tokyo Olympics, kasama na rin ito sa sports calendar. Sa galing ng ating mga manlalaro, malaki ang tyansa natin dito. Finally, baka dito magmula ang matagal na nating hinihintay na Olympic gold,” pahayag ni Mitra.

Maituturing world champion na ang Pinoy sa naturang disiplina matapos tanghaling kampeon ang TNC Pro Team at Juniel “Staz” Javiñas sa Dota 2 at Heartstone event sa ginanap na World Electronic Sports Games 2016 sa Guanzhou, China.

Sa ginanhap na Mobile Legends Southeast Asia Cup sa Malaysia, umukit din ng kasaysayan ang Pinoy nang mangibabaw ang Bren Esports at Digital Devils Professional Gaming.

“Kapag hindi tayo kumilos, talagang mapag-iiwanan tayo. Actually, malaki ang potensyal ng eSports para madagdagan ang income ng ating pamahalaan,” pahayag ni Mitra.

Ayon kay Mitra, isang resolusyon ang nilagdaan niya kasama sina GAB Commissioners Eduard Trinidad at Mar Masanguid para maging professional ang eSports sa bansa.

Batay sa datos ng GAB nitong 2017, pitong eSports tournament kabilang ang Galaxy Battles 2 – isa sa pinakamalaking eSports event sa mundo – ang ginanap sa bansa, habang may 107 atleta na ang nabigyan ng lisensya ng ahensiya na naging daan para sa dagdag na ‘revenue’ ng GAB.

Nitong Agosto 18-19, pinangasiwaan ng GAB ang Globe Conquerors Manila 2018 sa MOA Arena na pinagwagihan ng Ascension Gaming ng Thailand. Bukod sa awtomatikong slots sa World Championship, naiuwi ng Thai ang premyong US$100,000.