KAUGNAY ng pagkilalang “creative city” na ipinagkaloob ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), nakatuon sa kultura at pagiging malikhain ang pagdiriwang ng ika-109 na Araw ng Baguio sa Setyembre 1.

Ibinahagi ni City information officer Aileen Refuerzo ang tema ngayong taon na, “Celebrating and Moving Beyond 109 through Culture of Creativity”, na layong itampok ang panibagong pagkilala sa lungsod bilang “first Philippine city to make it to the prestigious creative circle.”

Binanggit naman ni Councilor Elmer Datuin, na siyang namumuno sa paghahanda kasama ang City Administrator Carlos Canilao, ang mga aktibidad na inihanda kaugnay ng buong buwang pagdiriwang.

Kabilang dito ang limang araw na ‘arts and crafts fair’ kung saan tampok ang mga produkto ng maliliit na negosyo sa lungsod.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

May inihanda ring mga tradisyunal na aktibidad kabilang ang: Miss, Mr., and Little Miss Baguio pageants, ang Baguio Day Health Fair, job fair, konsiyerto, cultural na pagtatanghal, at ilang sports events.

Ilang aktibidad naman ang sinimulan na nitong nakaraang linggo. Kabilang ang “Astig Ako… Go lang nang Go!!!” isang Luzon-wide Hiphop Dance Competition for-a-Cause, ang Japanese Film Festival, fashion show, hobby exposure convention, at ang Baguio Day Zayaw Pilipinas dance competition.

Para naman sa sports, nariyan ang “Laban ng Lahi” 2018 Baguio City/Cordillera Administrative Region Qualifying Leg Marathon, ang 1st “Pugsat-Anges” Highland Bike Challenge, at ang Milo Olympics.

Nakatakda namang simulan ang pagdiriwang sa Setyembre 1, sa pamamagitan ng isang misa sa Our Lady of the Atonement, na mas kilala sa tawag na Baguio Cathedral.

Bahagi rin ng pagdiriwang ang pagsasagawa ng blood donation drive at free medical mission.

Inaabangan naman ang pagbibigay parangal sa mga Outstanding Citizen, na pinili ng Society of Outstanding Citizens of Baguio (SOCOB).

Makulay na parade, na nagpapakita ng ebolusyon ng Baguio, ang itatampok matapos ang programa para sa Araw ng Baguio.

Habang nakatakda namang dumalo bilang guest speaker si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Caesar Dulay, na tubong Baguio.

PNA