NANG pagtibayin sa committee level ang panukalang-batas hinggil sa paglikha ng Department of Disaster Resilience (DDR), kagyat ang aking reaksyon: Ito ay duplikasyon lamang ng mga tungkuling nakaatang na sa iba’t ibang kagawaran na kagyat ding sumasaklolo sa mga biktima ng kalamidad. Hindi kaya ito mistulang pag-aagawan ng kredito na may kaakibat na makasariling interes o kapakanan?
Mainam ang adhikain ng DDR, lalo pa nga kung isasaalang-alang na ito ay priority measure ng administrasyon. Katunayan, ang madaliang paglikha nito ay binigyang-diin ni Pangulo Duterte sa kanyang nakaraang State of the Nation Address (SONA). Naniniwala ako na ito ay bunsod ng mga bagyo, baha at lindol na manaka-nakang gumulantang sa atin.
Totoong marapat ang dagliang pagsaklolo sa mga biktima ng naturang mga kapahamakan. Hindi lamang mga ari-arian ang dapat mailigtas kundi, higit sa lahat, ang buhay ng ating mga kababayan na nawalan ng mga bahay at kailangang mailikas kaagad sa mga evacuation centers.
Ngunit ang gayong mga tungkulin ay maniniwala akong maayos namang nagagampanan, halimbawa, ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of National Defense (DND) at ng mismong local government units (LGUs). Halos nag-uunahan din sa pagsaklolo ang mga pribadong organisasyon, iba’t ibang sekta ng relihiyon; gayon din ang mga civic group ng mga kalapit na bansa.
Bigla kong naalala ang isa pang panukalang-batas na naglalayon namang lumikha ng Department of Overseas Workers (DOW), kung hindi ako nagkakamali. Layunin naman nito na pag-ukulan ng lubos na atensyon ang kapakanan ng ating mga OFWs – ang tinaguriang mga buhay na bayani. Totoong may lohika ang naturang plano, lalo na kung iisipin na ang ating mga kababayang nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa ay nakatutulong nang malaki sa pagpapaangat ng national economy.
Batid nating lahat na ang kapakanan ng OFWs ay lagi namang pinangangalagaan ng gobyerno. Maraming pagkakataon na ang Department of Labor and Employment (DoLE) ay laging nakasaklolo sa naturang grupo ng mga manggagawa, lalo na ang mga nagiging biktima ng pagsasamantala at kalupitan ng kani-kanilang mga pinaglilingkuran. Maging ang Department of Justice (DoJ) ay nakaagapay rin sa pangangailangang legal ng mga OFWs.
Sa harap ng gayong mga pangyayari, naniniwala ako na kalabisan na ang paglikha ng nabanggit na mga departamento – at iba pang tanggapan na nais itatag. Magiging duplikasyon lamang ito ng mga tungkulin, at maaaring ng mga kapalpakan at katiwalian sa gobyerno.
-Celo Lagmay