TULUY-TULOY ang GMA-7 sa paggawa ng mga teleseryeng tumatalakay ng iba’t ibang karamdaman o disabilities. Ipinapalaman nila sa usual na family soap drama o kilig-kiligan churva ang kanilang advocacy sa pagpapalaganap ng awareness tungkol sa napipili nilang medical cases.
Pagkatapos ng ferral, HIV-AIDS, genetic disorder (sa usap-usapan ngayong Onanay), tatay na may intellectual disability naman ang eere simula sa Lunes.
Kaya ang biruan sa media launch ng My Special Tatay nitong nakaraang Martes ng gabi, may counterpart na raw ang Onanay. Si Ken Chan ang natoka sa challenging role ng bagong Afternoon Prime series.Magbabago ang buhay ni Boyet (Ken) nang may isang babaeng lumitaw na siya ang itinuturong ama ng ipinagbubuntis na anak.
Kahit may mental disability, hindi tatakasan ni Boyet ang responsibilidad at sisikapin niyang maging responsableng ama.
Aminado si Ken Chan na mahirap ang role pero suwerte rin at the same time dahil malaking pagkakataon ang ibinigay sa kanya para maipakita sa mga manonood ang mga pinagdadaanan ng taong may intellectual disability.
“Gusto naming ikuwento at ipaunawa sa mga viewer kung ano ang nararanasan ng mga taong may intellectual disability,” sabi ng aktor.
“Nagpapasalamat po ako sa GMA dahil ipinagkatiwala sa akin ang proyektong ito. Sobra po akong excited dahil nabigyan ako ng pagkakataon na gampanan ang isa na namang napakagandang character.”
Matatandaan na si Ken Chan din ang gumanap bilang transgender sa Destiny Rose na sinubaybayan ng maraming manonood.
Agad siyang nag-immersion (nag-observe at nakisalamuha) sa eskuwelahan ng mga taong may learning disabilities nang tanggapin niya ang offer para gampanan si Boyet.
“Ang sarap nilang kausap. Parang ang dami nilang alam... mas marami silang alam kaysa sa akin. Nakakatuwa dahil ang dami nilang sinasabi at ang dami mong matutunan sa kanila.”
Excited si Ken na ang gaganap na ina at lola ni Boyet ay sina Lilet at Carmen Soriano. Leading lady niya si Arra San Agustin, na inaamin niyang crush niya.
-DINDO M. BALARES