TAONG 2007 at Senate President ako nang pagtibayin namin ang Republic Act 9492 sa layuning bawasan ang “celebration of National Holidays.” Dahil sa nasabing batas, itinakda ang petsa ng pagdiriwang ng National Heroes Day tuwing huling Lunes ng Agosto.
Pero paano nga ba masasabing bayani ng bansa ang isang tao? Wala akong alam na batas o dekrito na opisyal na nagpoproklama sa ilang Pilipino bilang “national hero”. Naalala ko nung nasa kolehiyo ako
sa University of the Philippines (UP), nagkaroon ng matinding debate kung sino kina Jose Rizal at Andres Bonifacio ang dapat na maging pambansang bayani. Parang nakikinita ko na ang matinding debatehang mangyayari sakaling may opisyal na deklarasyon sa kung sino ang ating mga pambansang bayani.
Kaya naman nasorpresa ako nang mabasa sa website ng National Commission for Culture and the Arts (www.ncca.gov.ph) na totoong pinagtangkaang gawin ito. Taong 1993 nang ipinalabas ni noon ay Pangulong Fidel V. Ramos ang Executive Order No. 75, na nagtatag sa National Heroes Committee para magtakda ng mga panuntunan sa pagtukoy ng mga pambansang bayani.
Lubhang interesante at masasabing nakaiintriga ang mga panuntunang tinukoy ng technical committee.
Ang National Heroes Committee, na binubuo ng mga kilalang historian at iskolar, ay nagtakda ng tatlong criteria para tukuyin ang mga Pambansang Bayani: (1) silang may konsepto ng bansa at nagpursige at nakipaglaban para sa kalayaan nito; (2) silang may kinikilala at nakapag-ambag sa sistema ng kalayaan at kaayusan para sa bansa; at (3) silang may sariling kontribusyon sa kalidad ng pamumuhay at sa tinatahak ng Pilipinas bilang isang bansa.
Base sa mga batayang ito, nagkaroon ang komite ng listahan ng mga dapat na ideklara bilang mga pambansang bayani:
Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, Marcelo H. del Pilar, Sultan Dipatuan Kudarat, Juan Luna, Melchora Aquino, at Gabriela Silang.
Bagamat kapuri-puri ang pagsisikap na ito ng komite, ang tungkuling iniatang sa kanila ay mauunawaang imposibleng isakatuparan. Paano nga ba sinusukat ang kabayanihan? Paano natin matitiyak na ang pagpapakabayani ay walang batayang ideyolohikal o pulitikal? Sino ang makatutukoy kung sinu-sino ang mga dapat kilalanin bilang mga pambansang bayani? Isa itong proseso na batbat ng pagtatalo at pagkagalit. Ito marahil ang dahilan kaya hindi naipatupad ang nasabing ulat ng technical committee. Ang pagpoproklama ng mga pambansang bayani ay humihikayat ng kakaibang uri ng rebolusyon sa mga panatiko at ideologues.
Ang pagiging imposible ng paglalabas ng opisyal na listahan ng mga pambansang bayani ay nakasalalay sa katotohanan na ang kabayanihan ay parehong nakadepende sa panahon, at walang pinipiling panahon. Isinasagawa ang kabayanihan alinsunod sa konteksto ng partikular na makasaysayang pangyayari. Sina Rizal at Bonifacio, at ang iba pa ay sumabak sa magkakaibang hamon at tumugon batay sa sarili nilang pananaw at ideyalismo. Hindi makatwiran na gamitin ang kaparehong panuntunan ng kabayanihan noon sa panahon natin ngayon.
Gayunman, walang kupas ang kabayanihan. Ang impluwensiya at epekto nito ay walang hanggan. Ang pamana nito ay mararamdaman pa rin ng mga susunod na henerasyon. Ang kalayaang tinatamasa natin ngayon ay produkto ng pawis, dugo, at luha ng mga bayaning Pilipino.
Tumpak ang listahan ng siyam na pambansang bayani, pero hindi ito kumpleto. Totoong higit pa sa siyam ang mga Pilipinong nakatupad sa mga panuntunan ng pambansang bayani ng Pilipinas. Ang ilan sa kanila ay walang dudang mga bayani talaga, habang pinagdedebatehan pa rin ng ilan ang sinasabing kabayanihan ng iba pa.
Naniniwala ako na ang pagtukoy sa kung sino ang dapat na ituring na mga pambansang bayani ay isang usaping dapat na tuluy-tuloy na tinatalakay sa bansa. Walang aktuwal o pinal na panuntunan dahil tuluy-tuloy tayong nagdidiskusyon, tuluy-tuloy ang ating mga debate. Sa kabila ng walang pormal na batas tungkol dito, kinikilala natin sina Rizal, Bonifacio, Luna, del Pilar, at ang iba pang Pilipino bilang ating mga pambansang bayani.
Sa huli, walang komite at walang batas na may karapatang magproklama sa ating mga pambansang bayani, sapagkat ang prebilehiyong ito ay para lamang sa mamamayang Pilipino.
-Manny Villar