Patay ang isang municipal councilor at kanyang maybahay sa sumiklab na shootout habang isinasagawa ang anti-drug operation laban sa mag-asawa sa Barangay Fatima sa General Santos City nitong Sabado.
Kinilala ni Supt. Aldrin Gonzales, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-12, ang napatay na sina Noren Apil, konsehal ng Palimbang, Sultan Kudarat; at Juliet Bitayo.
Napatay ang mag-asawa sa pakikipagbarilan umano sa mga anti-narcotics operatives ng pulisya na sumalakay sa kanilang bahay sa Bgy. Fatima sa GenSan.
Ayon sa pulisya, kapwa level 1 drug personalities ang mag-asawa, at kabilang umano si Apil sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakasamsam umano ang mga awtoridad ng ilang gramo ng hinihinalang shabu, isang fragmentation grenade, at isang .38 caliber revolver mula sa mga suspek.
Sinabi ni Supt. Gonzales na nagawang makatakas sa raid ng umano’y kasabwat ni Apil na si Michael Sepe, na sinasabing pulis-Maguindanao.
Gayunman, mariing itinanggi ng mga kaanak ng mag-asawa ang iginiit ng mga pulis na nanlaban ang mga ito kaya napatay sa raid.
-JOSEPH JUBELAG