BAGAMAT tahasang ipinahiwatig ni Pangulong Duterte ang kanyang pagsuporta sa PDP-Laban, ang kanyang panunumpa kamakailan bilang bahagi ng Hugpong ng Pagbabago (HP) ay lumikha ng isang malaking katanungnan: Ang naturang eksena ay nagbabadya kaya ng pagkakawatak-watak ng PDP-Laban? Tila bunsod ito ng mga sigalot sa pagbabago ng liderato sa naturang partido na tinangka subalit tila nabigong ayusin ng Pangulo.
Dapat lamang asahan ang lubos na pagtangkilik ng Pangulo sa PDP-Laban, lalo na kung isasaalang-alang na ang naturang lapian ang kanyang hinagdan sa panguluhan. Isang malaking kawalan ng utang na loob kung iyon ay basta na lamang niyang talilikuran.
Dapat din namang asahan ang lubos na pagsuporta ng Pangulo sa HP – ang partido na isinulong ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio. Ang nasabing local party na mistulang dinudumog ngayon ng iba’t ibang grupong pampulitika, panlipunan at pangkabuhayan ,ay tugmang-tugma sa mga repormang ipinatutupad ng Duterte administration. Ang mga pagbabago sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran ay matagal nang inaasam ng sambayanang Pilipino.
Dahil dito, hindi malayo na ang HP – kung ito ay maituturing nang isang pambansang lapiang pampulitika – ay maging isang majority party. Hindi malayo na ang iba’t ibang lapian na tulad ng Liberal Party, Nacionalista Party, Nationalist People’s Coalition, at iba pa, ay maging bahagi ng HP. Hindi ba ganito rin ang karaniwang nangyayari kung sumisilang ang bagong pambansang liderato?
Mismong ang PDP-Laban ay kaagad na naging majority party nang mahalal si Pangulong Duterte. Walang tigil ang paghugos ng mga political leaders – senador, kongresista, gobernador at iba pa – sa pagsanib sa naturang partido; isipin na lamang na kahit na pabirong sinasabi na tatatlo lamang ang miyembro nito noon, ito ngayon ang mayoryang lapian.
Ganito rin naman ang naganap noong nakaraang mga administrasyon. Noong panahon ni Pangulong Noynoy Aquino, halimbawa, nagmistulang kulay-dilaw ang iba’t ibang political party. Kahit na halos isuka ng LP leadership ang ibang pulitiko, ang mga ito ay nagpupumilit pa ring maging bahagi ng ruling party.
Totoo na marami pa rin ang principled politicians; hindi nagpapatangay sa kaway ng mapagkunwaring partido, wika nga. Nanatili silang tapat sa kanilang paninindigan.
Gayunman, matagal nang naging kalakaran ang tinatawag na political butterfly – palilipat-lipat ng partido na kanilang pakikinabangan.
-Celo Lagmay