MALIBAN kung may masyadong mabigat na dahilan, mahirap paniwalaan ang planong pagbibitiw ni Pangulong Duterte ngayong halos nagsisimula pa lamang ang kanyang panunungkulan bilang Pangulo ng ating bansa. Naniniwala ako na ang kanyang pahiwatig ay bukambibig lamang o bulaklak ng dila, wika nga, lalo na kung iisipin ang kanyang masidhing hangaring lumikha ng isang matapat at malinis na gobyerno para sa milyun-milyong mamamayang Pilipino.
May lohika, kung sabagay, ang plano ng Pangulo. Tila gusto na niyang sumuko sa paglipol ng mga katiwalian na talamak sa halos lahat ng ahensiya ng gobyerno; hindi maubus-ubos ang mga tiwali at gahaman sa salapi at kapangyarihan na hindi maawat sa paghahari-harian sa kani-kanilang mga tanggapan. Hindi ba malimit niyang tukuyin ang Bureau of Customs (BoC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at iba pa na pinamumugaran ng mga mandarambong at mapagmalabis sa tungkulin?
Maging ang talamak na problema sa illegal drugs ay tila hindi nababawasan; bagkus ay lumalawak pa at nakararating hanggang sa mga liblib na sulok ng kapuluan. Nakadidismaya na may pagkakataon na mismong mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) – ang ahensiya na naatasan sa paglipol ng mga bawal na droga – ang pasimuno sa pagkunsinti sa mga users, pushers at druglords sa pagpapalaganap ng kasumpa-sumpang bisyo.
Naniniwala ako na higit na nakararami pa rin ang mga huwaran sa paglilingkod sa tungkulin, kahit na ang mga departamento na kanilang kinaaaniban ay talagang nakalugmok sa mga katiwalian. Nadadamay lamang sila sa mga pagsasamantala ng kanilang mga kapwa kawani.
Hindi mapasusubalian na ang talamak na katiwalian sa mga kagawaran ng gobyerno – lalo na sa mga revenue-earning agency at sa mismong mga pulis at militar – ay kailangang masugpo sa lahat ng paraan, tulad ng laging binibigyang-diin ng Pangulo. Katunayan, kahit na ang mga opisyal na masyadong malapit sa kanyang puso ay walang pangingimi niyang sinibak sa puwesto.
Sa paglipol ng illegal drugs, hindi naglulubay ang administrasyon sa pagpapaigting ng Tokhang, kahit na ang ganitong operasyon ay maging dahilan ng pagdakip sa libu-libong sugapa sa droga; kahit na ito ay humantong sa kamatayan ng libu-libong drug personalities. Totoong marapat na ang ating bansa, hangga’t maaari, ay maging isang drug-free country.
Sa kabila ng naturang mga pagsisikap, lalo akong hindi makapaniwala na ang Pangulo ay mamamahinga sa kanyang sinumpaang tungkulin. Matindi ang kanyang pahayag sa iba’t ibang okasyon, lalo na sa kanyang nakalipas na mga State of the Nation Address (SONA), hinggil sa kanyang taos pusong hangarin na lumikha ng isang malinis na pamahalaan para sa kasalukuyan at sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino.
-Celo Lagmay