SA naganap na mediacon para sa bagong barakada movie na Petmalu, ay maraming nagtanong kung ang title ba ng pelikula ay hango sa coined word na ‘petmalu’ o malupit. Ang writer-director na si Joven Tan ang nag-explain:
“Ang title ay initials ng mga pangalan ng characters na bumubuo sa cast,” sabi ni Direk Joven. ‘P’ is for Pete (Mario Mortel), ‘E’ is for Edward (Charles Kieron), ‘T’ is for Tim (Diego Loyzaga), ‘M’ is for Max (Brian Gazmen), ‘A’ is Albert (Vitto Marquez), ‘L’ for Lester (Jairus Aquino) and ‘U’ is for Unice (Michelle Vito), the only girl sa barkada. Pare-pareho silang nag-aaral sa isang school pero iba’t iba ang kinukuha nilang courses. Nagbuo sila ng isang group at sumali sa isang singing contest, na naghahanap naman ng “Tropa of the Year” hosted by Robi Domingo. Kasama rin sa movie si Vivoree Escuto.”
Ang mga first timer sa paggawa ng movie ay sina Charles ng Hashtags, si Vivoree ng PBB at si Brian, a singer from Star Music, pero sabi ni Direk Joven, naka-deliver daw silang lahat, lalo na si Brian na bukod sa singing ay pinasok na rin ang acting, kahit nag-aaral pa rin siya sa kolehiyo, sa Ateneo University.
“Bawat isang character sa movie ay may kani-kanyang story. Si Vitto ay anak nina Yayo Aguila at William Martinez at siya rin ang naligaw ang landas sa barkada. Sina Sue Prado at Richard Quan naman ang parents ni Jairus na may identity problems naman. May love triangle conflict sina Michelle, Brian at Charles. Si Brian ay mula sa isang singing family at pinipilit siya ng parents niyang sina Mitoy Yonting at Marissa Sanchez at brother na si Ronnie Liang na kumuha ng course na ayaw naman niya. Si Diego Loyzaga ay mga OFWs ang parents kaya nakatira siya sa uncle niya, si Dennis Padilla. Si Irma Adlawan ang nanay ni Marlo at si Arlene Muhlach ang nanay ni Michelle.”
Si Direk Joven ay isa ring music composer, kaya ang movie ay partly musical. May mga eksena na ang dialogues ng mga characters ay kinakanta nila. Nag-compose din siya ng theme song ng movie, pero hindi pa niya sinabi kung sino ang kakanta nito.
“Kaya nakasisiguro kaming maraming makaka-relate sa aming movie, dahil nangyayari ang story nito sa buhay ng bawat pamilya at tiyak na may aral din silang makukuha rito,” patapos ni Direk Joven.
Ang Petmalu ay mapapanood na sa mga sinehan simula sa Setyembre 5.
-NORA CALDERON