SA pagsusulong ng isang estratehiya na matagal na sanang dapat sinimulan, naniniwala ako na mababanaagan natin ang kapayapaan. Sa pamamagitan ng isang Executive Order na naulinigan kong ipatutupad ng Duterte administration, ibubunsod ang localized peace talks sa pagitan ng ating pamahalaan at mga rebeldeng CPP-NDF-NPA. Ibig sabihin, ang mga pinuno at miyembro ng naturang grupo na naririto sa ating bansa ang lalahok sa napipintong usapang pangkapayapaan -- hindi ang kanilang mga kaalyado na nasa iba’t ibang panig ng mundo, lalo na sa The Netherlands.
Ang naturang bagong sistema ng usapang pangkapayapaan ay natitiyak kong nakaangkla sa kabiguan ng magkabilang panig -- Government of the Republic of the Philippines (GRP) at ng Communist Party of the Philippines/National Democratic Front/New Peoples Army (CPP/NDF/NPA) -- na makabuo ng kasunduan tungo sa ganap na katahimikan. Maaaring ito ang dahilan ng masasalimuot na detalye na hindi katanggap-tanggap sa mga kalahok sa peace talks at sa mismong mamamayang Pilipino.
Isa pa, laging ipinagkikibit-balikat ng sambayanan ang pagdaraos ng usapang pangkapayapaan sa ibang bansa, kaakibat ng mistulang panghihimasok ng mga dayuhan sa isang makabuluhang misyon na dapat lamang lahukan ng ating mga kababayan; marapat lamang idaos ang gayong talakayan sa mismong lugar ng walang katapusang sagupaan ng mga rebelde at ng ating mga pulis at sundalo -- labanang laging humahantong sa pagdanak ng dugo ng mga kapwa Pilipino.
Ang mga engkuwentro ay nagaganap sa kabila ng paminsan-minsang pagdedeklara ng unilateral ceasefire ng CPP/NDF/NPA hierarchy na nasa The Netherlands -- isang kautusan na paminsan-minsan ding nilalabag ng kanilang mga tauhan; patuloy sila sa pagsalakay sa mga military at police stations, panununog ng mga makinarya ng mga construction company, at manaka-nakang pananambang o ambuscade. Patunay ba ito na hindi na nila pinakikinggan ang nabanggit na liderato ng mga rebelde?
May mga pagkakataon na ang usapang pangkapayapaan na idinadaos sa mga dayuhang bansa ay hindi nagiging mabunga. Hindi ko matiyak kung maituturing na peace talks ang Tripoli Agreement, halimbawa, na nilahukan ng ating mga lider at ng mga kinatawan ng Muslim community, maraming dekada na ang nakalipas. Ang isa yata sa mga adhikain ng nasabing pag-uusap ay kapayapaan sa Mindanao. Hindi ba hanggang ngayon ay mailap ang katahimikan sa naturang rehiyon?
Makatuturan ang pagdaraos ng localized peace talks hindi lamang sa pagitan ng NPA rebels at ng GRP kundi ng iba pang grupo ng mga rebelde. Sa pagdaraos ng ganitong usapan sa ating bansa, natitiyak ko na mababanaagan na ang inaasam nating kapayapaan.
-Celo Lagmay