MAY katwirang magduda ang mamamayan sa kampanya laban sa illegal drugs ng gobyerno dahil sa pagkakapuslit kamakailan ng P6.8 bilyong halaga ng shabu na nakapaloob sa apat na magnetic lifter sa Bureau of Customs (BoC).
Maging si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general Aaron Aquino ay naniniwalaang may ilang tiwaling kawani sa BoC ang nakikipagsabuwatan sa drug syndicate na nagpasok ng isang toneladang shabu (1,000 kilos) sa Pilipinas.
Badya ni Aquino: “Ang isang international drug syndicate ay hndi magbabakasakali na magpasok ng illegal drugs dito kung wala silang contacts sa loob ng Customs na tutulong upang mapabilis ang pagpasok ng mga kontrabando”. Korek ka diyan Mr. Aquino. Pero, sino ba ang hepe ng BoC ngayon?
Naniniwala ang kaibigan kong palabiro pero sarkastiko at pilosopo pati na si senior-jogger, na kahit pumatay man araw-araw ng drug pushers, users ang mga pulis at vigilantes sa kanilang buy-bust operations, hindi pa rin masasawata ang salot ng bawal na droga na nais ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na ganap na masugpo.
Papaano raw ito masusugpo kung ganyang tone-toneladang shabu ang nakapupuslit sa BoC subalit hindi naman matunton ng PNP at ng PDEA ang mga smuggler na nasa likod nito. Siyempre pa, babaha ng shabu ang mga lansangan, kalye, suluk-sulok, barangay at patuloy na magtutulak ang mga pusher at patuloy na gagamit ang mga user.
Ang dapat pagtuunan ng pansin at aksiyon ng PNP at PDEA ay ang pagkilala sa mga smuggler, distributor, at supplier ng shabu. Sila ang dapat itumba. Kapag naitumba ang mga ito, walang shabu na maipamamahagi sa mga lansangan at kalye.
Siyanga pala, bunsod ng umiiral ngayong inflation, meaning, ang pagtaas ng presyo ng mga produkto o bilihin at serbisyo, nadagdagan ng dalawang milyong Pilipino ang ngayon ay naghihirap. Ang inflation daw ng nakaraang buwan ay sumipa sa 5.7 percent, ang pinakamataas sa nakalipas na limang taon.
Dahil dito, tinatayang tumaas ang kahirapan ng mga tao mula sa 23 percent ng populasyon patungo sa 25 percent, o halos tatlo sa 10 Pinoy ang naghihirap. Ayon kay Rep. Michael Romero, ang direktang epekto ng inflation ay “gutom, kawalang-trabaho, mataas na interest, at mas kokonting savings ng middle class.”
May naghihinalang ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo ay sanhi ng TRAIN Law ng administrasyon, ngunit itinatanggi
ito ng economic managers ng Duterte administration. Sige nga mga boss, magtungo kayo sa palengke at bumili roon ng bigas, isda, karne, gulay, prutas, de-lata at iba pa para malaman ninyo ang pagsikad ng mga presyo sapul nang ipatupad ang nananagasang TRAIN.
-Bert de Guzman