DASMARIÑAS CITY, Cavite – Arestado ang isang kapitan ng barangay at misis nito nang makumpiskahan ng umano’y shabu sa bahay nila dito.

Kasabay nito, inaresto rin ang apat na katao, kabilang ang dalawang menor de edad, matapos masamsaman ng P4,250,000,000 halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation sa Barangay Datu Esmael, dito.

Ayon kay Supt. Alvin Ruby Consolacion, Dasmariñas police officer-in-charge, dinampot sina Barangay Salitran I Chairman Mario Lara Valerio, 56; at misis niyang si Remelin Cantimbuhan Valerio, 39, nang makakuha ng walong pakete ng umano’y shabu, na may bigat na pitong gramo at nagkakahalaga ng P47,000, sa kanilang bahay sa 176 Salitran I Main Road, dakong 9:00 ng gabi nitong Sabado.

Nagsagawa ng operasyon ang awtoridad makaraang makabuo ng search warrant, na inisyu ni Judge Agripino G. Morga ng San Pablo City Regional Trial Court.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Idiniretso ang mag-asawang Valerio sa Dasmariñas police station para sa interogasyon at dokumentasyon at ang nasamsam na umano’y shabu ay dinala sa police crime laboratory para suriin.

Sa Datu Esmael operation nitong Lunes, inaresto ng local Drug Enforcement Unit officers sina "Dagul", 15; "Gagil", 17; at mag-amang Paks Mangotara, 63; at Anisah Mocaibat Bongcarao, 19, matapos makumpiskahan ng isang berdeng plastic bag na naglalaman ng pitong pakete ng umano’y shabu, na may bigat na 625 gramo at nagkakahalaga ng P4,250,000, sa P4.500-drug deal sa isang police poseur-buyer.

Kinasuhan na ng Dasmariñas police ang mga suspek na kasalukuyang naghihimas ng rehas.

-ANTHONY GIRON at FER TABOY