Lumantad kahapon sa publiko ang apat na dating kongresista at lider aktibista na tinaguriang “Makabayan 4”, isang araw matapos na ibasura ng korte sa Nueva Ecija ang kasong murder laban sa kanila, at nangakong patuloy na lalaban para sa iba pang biktima ng political persecution.
Ang Makabayan 4 ay binubuo nina dating Bayan Muna Representatives Satur Ocampo at Teddy Casiño; dating Agrarian Reform Secretary at dating Anakpawis Rep. Rafael Mariano; at dating Gabriela representative at kasalukuyang National Anti-Poverty Commission (NAPC) Convenor Liza Maza, na dumalo sa press briefing kahapon ilang linggo makaraang isyuhan ng arrest warrant noong nakaraang buwan sa kasong double murder.
Pinasalamatan ng grupo, sa pamumuno ni Ocampo, ang kanilang mga tagasuporta sa pagbuo ng kampanya upang depensahan ang kanilang pagkatao at idinagdag na kinasuhan sila dahil sila ay kritiko ng administrasyon.
‘Matagumpay ang ating kampanya para sa katarungan at nagpapahiwatig ito ng kamulatan sa hanay ng mamamayan sa isang sistema ng katarungan na mula pa sa panahon ng martial law,” sinabi kahapon ni Ocampo sa press conference sa Quezon City.
Nitong Lunes, kinumpirma ni Atty. Rachel Pastores, legal counsel ng Makabayan 4, na ibinasura ng Regional Trial Court Branch 40 ng Palayan City, Nueva Ecija ang kasong murder na isinampa laban sa apat noong 2006, kaya wala nang bisa ang mga arrest warrant na inisyu ng korte laban sa mga dating mambabatas.
Sa resolusyon na may petsang Agosto 8, sinabi ni Judge Terese Wenceslao na ang “evidence on hand absolutely fails to support a finding of probable cause against accused-movants.”
Nag-ugat ang kaso sa alegasyon na ang apat ay sangkot sa pagdukot at pagpatay sa dalawang tagasuporta ng Akbayan Party-list noong 2003 at 2004.
Dahil dito, inaasahang magbabalik-trabaho na si Maza sa NAPC.
“That proves the legal system is working. We’re happy that Secretary Liza Maza can come back to work,” pahayag kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa press briefing.
-Alexandria Dennise San Juan at Genalyn D. Kabiling