CITY OF MALOLOS, Bulacan – Isinailalim na sa state of calamity ang apat na bayan at isang lungsod sa Bulacan habang sa halip na humupa ay patuloy na tumataas ang baha na nagpalubog na ngayon sa 171 barangay sa 13 bayan at dalawang lungsod sa probinsiya.

Sa naunang ulat nitong Lunes ng tanghali, nasa 82 barangay lang sa lalawigan ang lubog sa baha, ngunit kahapon ay iniulat na lumobo na ito sa 171 barangay.

Sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), idineklara ang state of calamity sa Meycuayan City at sa mga bayan ng Marilao, Calumpit, Hagonoy, at Paombong, kasunod ng pagsira ng baha sa mga palaisdaan at palayan sa lugar.

Sa ulat ni PDRRMO Executive Officer Liz Mungcal kay Governor Wilhelmino M. Sy-Alvarado umabot na sa 126,422 pamilya o 619,969 katao ang apektado sa 12 bayan at dalawang lungsod na binaha.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Bukod sa limang nabanggit na bayan, nakalubog din sa baha ang Balagtas, Baliwag, Bocaue, Bulakan, Bustos, Guiguinto, Obando, Plaridel, Santa Maria, at Malolos City.

Nasa 1,706 na pamilya o 8,526 katao ang inilikas sa 30 evacuation center sa iba’t ibang bahagi ng probinsiya.

Patuloy naman ang pagpapadala ng emergency response at mga rescue team sa mga binahang lugar, partikular sa Hagonoy, Paombong, at Calumpit, na pinalala pa ng pagpapakawala ng tubig ng Bustos Dam at Ipo Dam, at paglitaw ng high tide.

Base sa ulat nitong Lunes, bandang 6:00 ng gabi, 29 na barangay sa Calumpit ang nananatiling lubog sa isa hanggang tatlong talampakan ang lalim na baha, habang 20 barangay ang nakalubog sa isa hanggang dalawang talampakang baha sa Hogonoy.

Iniulat naman ng PDRRMO na umabot na sa P45,860,000 ang kabuuang halaga ng pinsala ng baha sa Bulacan.

Samantala, aabot naman sa 79 na barangay sa 10 munisipalidad at isang siyudad sa Pampanga ang lubog din sa baha, at daan-daan na ang inilikas.

Batay sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD)-Region 3, binaha ang nasabing bilang ng mga barangay sa mga bayan ng Macabebe, Masantol, Apalit, San Simon, Minalin, Sto. Tomas, San Luis, Candaba, Guagua, Sasmuan, at City of San Fernando.

-FREDDIE C. VELEZ, ulat ni Franco G. Regala