ANG ideyalismo ng Pederalismo, isang politikal na inisyatibo na isinusulong ng administrasyon, ay maaaring maisantabi ng ekonomikong realidad.
Matagal nang iminumungkahi ang pederalismo ng ilang lider pulitiko bilang solusyon sa hindi pantay na pag-unlad ng bansa, na isinisisi ng ilan sa dominasyon ng National Capital Region. Malakas itong isinulong ni dating Senador Aquilino “Nene” Pimentel, Jr. noong kanyang panahon, sa pamamagitan ng kanyang PDP-Laban. Nakakuha ito ng makapangyarihang suporta sa pagkakahalal ni Pangulong Duterte na kanyang nakitang paraan upang maisulong ang pag-papaunlad ng Mindanao, lalo’t higit sa rehiyon ng mga Moro.
Matagumpay nang nakuha ng Pangulo ang pag-apruba ng Kongreso sa batas na lumilikha ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) at ngayon nga ay naglalayong sundan ito ng pagtatatag ng pederal na sistema sa 18 nagsasariling rehiyon sa pamamagitan ng isang bagong konstitusyon.
May ilang kontra sa paghahati sa bansa sa 18 rehiyon, marami umano rito ang hindi kakayaning makasabay sa naitatag nang malakas na ekonomiya ng tatlong rehiyon ng Metro Manila, Gitnang Luzon at Timog Katagalugan. Isang malaking tanong ang maagang inilatag, kung saan umano huhugutin ang pondo para sa dagdag na sangay ng pamahalaan. Mayroon na tayong pambansa, probinsiyal, lungsod at bayan, at barangay na pangkat ng mga opisyal kasama ang mga itinakdang opisina at ahensiya na kinakailangang bigyan ng pondo ng pamahalaan.
Isang panibagong isyu na may kinalaman sa ekonomiya ang iniyahag kasama ng ilang tanong ni Secretary of Finance Carlos Dominquez III, ang nangungunang economic manager ng administrasyon, na nangangamba para sa isang “fiscal nightmare” kung maisakatuparan ang pederalismong inihain sa burador ng konstitusyon na inihanda ng Consultative Committee na suportado ng Malacañang.Malaking pondo ang kinakailangan para bayaran ang National Debt, para sa Armed Forces, para sa Foreign Affairs, para sa Central Bank. Sa planong 50-50 hatian sa kita ng pamahalaan sa pagitan ng pederal at mga rehiyunal na gobyerno, sino ang magpopondo sa mga pangunahing gastos na ito?
Ito rin ang inihayag ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia. “Expenditure will be immense if we go to federalism,” aniya. Mabilis na tatalon sa 6% o higit pa ang katumbasan ng Fiscal Deficit sa Gross Domestic Product (GDP), babala niya, at “that’s really going to wreak havoc in terms of our fiscal situation.” Maaari itong magresulta sa pagbaba ng credit ratings ng bansa, dagdag pa niya.
Nananatiling isang pulitikal na ideyal ang pederalismo sa marami, ngunit ngayon na itinaas ng dalawang nangungunang opisyal sa ekonomiya ng bansa ang mga katanungang ito, lumalabas ang pangangailangan para sa agarang pag-aaral sa kabuuan ng mungkahing konstitusyon, hindi lamang ang pulitikal nitong adbentahe.
Maaaring isang napakamahusay na burador para sa bagong konstitusyon ang nilikha ng Consultative Committee na binuo ng Malacañang, na kayang makamit ang pulitikal, sosyal at Kultural nitong tunguhin, ngunit baka hindi sapat na pagtingin ang nailaan para sa problemang pang-ekonomiya at mga implikasyon nito. Maaaring mahaba-habang panahon at pagsisikap ang kakailangan ngunit dapat itong gawin.