ALAM namin ang buong kuwento kung paano nairaos ang pelikulang Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon, na nanalong Best Film, Best Production Design, Best Cinematography, Best Screenplay at Netpac Jury Award sa katatapos na 14th Cinemalaya Film Festival Awards Night, na ginanap sa Cultural Center of the Philippines nitong Linggo, Agosto 12.

Dante

Naghahanap noon ng producer si Omar Sortijas para i-produce ang pelikulang isinulat ni John Carlo Pacala na may titulong Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon, at naikuwento niya ito kay Kristina Orfiano. Naisip ng huli si Nanay Cristy Fermin, dahil matalik na kaibigan ng huli si Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque, na may-ari ng Cineko Productions.

Kaagad nakipagkita si ‘Nay Cristy kina Omar at Kristina sa gallery na Mga Obra ni Nanay, at sa harap nilang dalawa ay tinawagan nito si Mayor Enrico para tanungin kung pagkakatiwalaan siya sa halagang P3 milyon, at hindi nagdalawang salita ang host ng Cristy FerMinute sa Radyo Singko 92.3 News FM.

Pelikula

Hello, Love, Again, kumita ng ₱85M sa unang araw!

Sagot ni Mayor Enrico: “Oo naman, tatlong milyon lang?”

Kaya naman halos maglulundag sa tuwa sina Omar at Kristina sa positibong sagot ni Mayor Enrico.

Sa sumunod na meeting nina Omar at Kristina kay ‘Nay Cristy, Disyembre 2017, ay kaharap na nila si Mayor Enrico kasama ang kaibigang si Joey Santos. Pinag-usapan na kung kailan sisimulan ang shooting ng Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon. na entry ng Cineko Productions sa 2018 Cinemalaya.

Nakahanda na ang team ni Omar, sa pangunguna ni Direk Carlo Enciso Catu, at katuwang din ng una bilang supervising producer sina Derrick Cabrido, line producer si Fleur Hombre, director of photography si Neil Daza, assistant director si Stephanie Brocka, production designer si Marielle Hizon, costume designer si Jona Ballaran, location manager si Rhoda Navarro, script continuity si Ipe Maglalang, make-up artist si Ghie Inductivo, at ang ibang staff na sina Rosh Deloso, Karen Escondo, Michelle Eusebio, Kristina, at iba pang crew.

Ang ganda ng naging takbo ng kabuuang shooting ng Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon dahil walang aberyang naganap, kahit super busy si Tito Dante Rivero, na kahit halos araw-araw ang taping para sa Blood Sisters ay nagawan ng paraan.

Nakisama rin ang panahon, dahil tirik na tirik ang araw nu’ng sinu-shoot nila ang pelikula, kaya napabilib kami ng production designer na pinalabas na bahang-baha ang buong bakuran ng lumang bahay ni Tito Dante. Ito kaya ang nagpanalo sa kanya?

Kaya sa ginanap na Cinemalaya awards night ay ramdam namin ang mga patak ng mga luha ng bawat taong umakyat sa entablado para tanggapin nang buong ningning ang Balanghai Trophies.

Congratulations sa buong team ng Dapithapon! Congratulations, Mayor Enrico and Nay Cristy!

-REGGEE BONOAN