TINULDUKAN kaagad ni Sue Ramirez ang shippers ng love team nila ni Markus Paterson. Hindi raw magiging sila in real life kahit bagay sila at may chemistry, na makikita sa pelikulang Ang Babaeng Allergic sa WiFi.
Sa presscon pa lang ng entry ng The IdeaFirst Company, Cignal Entertainment at October Train sa 2nd Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP), sa direksiyon ni Jun Lana, ay nilinaw na ito nina Sue at Markus.
“Mas matanda ako kina Markus at Jameson (Blake). On-cam, magdyowa kami ni Markus, off-cam, ate nila ako. Sobra ang friendship namin ni Markus at hindi ‘yun matutuloy sa romance,” pahayag ni Sue na sinang-ayunan ni Markus.
In fact, ang message ni Sue para kay Markus na ipinost niya sa Instagram, mensaheng para sa kaibigan at hindi para sa “special someone.”
Post ni Sue: “Considering that this is your first movie, you did such a great job! I can’t wait for everyone to see how well you portrayed Leo on @angbabaengallergicsawifi! I’m so proud of you, bespren! I love you forever”.
Sinagot naman ito ni Markus ng “labyu somach bespren.”
Sabi nina Sue, Markus at Jameson, kaya nilang mabuhay nang walang WiFi, lalo na si Sue na nakaranas maglaro sa labas ng bahay at larong pangkalye. Siguro, one week, kaya pa nilang walang WiFi at gadgets, paano kung umabot na ng isang buwan na walang WiFi?
‘Yan ang tatalakayin ng pelikulang Ang Babaeng Allergic sa WIFI at kung paano nabuhay si Norma (Sue) na wala ito, at bawal siyang gumamit ng gadget dahil nagka-allergy siya sa WiFi. Dahil dito, kinailangan niyang tumira sa malayong probinsya, na malayo sa radiowaves para hindi lumala ang kanyang kondisyon.
Magsisimulang mapanood ang Ang Babaeng Allergic sa WiFi at ibang entry sa PPP sa August 15 hanggang 22. Graded A ng Cinema Evaluation Board ang pelikula, kaya siguradong maganda.
-Nitz Miralles